City of Imus

21,884 Imuseñong Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Rubella at Tigdas



June 15



IMUS, Cavite — Matagumpay na nagtapos ang programang Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Rubella at Tigdas ng Department of Health (DOH) sa tulong ng Imus City Health Office (CHO) noong Mayo – Hunyo 15, 2023.

Nabakunahan ang 21,884 na batang Imuseñong nasa siyam hanggang 59 na buwang gulang at nakatanggap din ng Vitamin A supplements.

Ayon sa datos, umabot sa 96.59 porsyento ang nabakunahan mula sa aktuwal na bilang na 22,657 batang hindi pa nabakunahan.

Ilan sa mga dahilan ng hindi pagpapabakuna ng natitirang 773 bata ay ang kanilang pagpapakonsulta sa pribadong doktor habang ang iba ay hindi maayos ang lagay ng kalusugan para makatanggap ng bakuna.

Sinang-ayunan din ng DOH Central Office at Regional Office ang pagpapatupad ng programa ng Imus CHO matapos nilang inspeksyunin ang pagbabahay-bahay at ang pagbabakuna sa mga itinalagang vaccination sites sa mga barangay ng Poblacion IV-A, Medicion II-D, at Toclong I-B noong Mayo.

Matatandaang idinaos ang kick-off ceremony ng pinalawak na pagbabakuna kontra Tigdas at Rubella noong Abril 24 sa Imus City Government Center. Pinangunahan ito nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, Committee Chairperson on Health Konsehal Enzo-Asistio Ferrer, at City Health Officer Dr. Ferdinand Mina.

Kabilang ang Pilipinas sa 10 bansang may pinakamaraming bilang ng mga batang hindi pa nababakunahan simula nang sila ay isilang. Upang masolusyonan ito, inilunsad ng DOH ang malawakang pagbabakuna kontra polio, tigdas, at rubella sa bansa sa buong buwan ng Mayo.

Layunin nito na protektahan ang mga batang nasa 0 hanggang 59 na buwang gulang mula sa mga naturang sakit.

Nakasisiguro naman ang mga magulang na ang bakunang ibinibigay sa kanilang chikiting ay ligtas at epektibo. Dumaan ang mga ito sa masusing pag-aaral at pagsusuri bago ilabas sa publiko.

Kaisa rin si Mayor AA sa pagsulong ng isang malusog na lipunan sa pamamagitan ng mga hakbanging makatutulong upang makaiwas ang mga bata mula sa mga mapanganib na sakit.