IMUS City Government Center — Tinatayang humigit-kumulang 900 negosyante at business leaders ang dumalo sa kauna-unahang A Sectoral Dialogue: “AAgapay sa Negosyanteng Imuseño” ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na ginanap noong Hunyo 13–14, 2023. Layon ng pagtutulungan ng Imus Local Economic Development and Investment Promotions Office at ng City Chamber of Commerce and Industry Inc., ang mas mainam na talakayan sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod at ng mga negosyante. Ilan sa mga napag-usapan ang mga programa at proyektong naisakatuparan at patuloy na isinasagawa ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Advincula. Nagbukas din ito ng pagkakataon para sa mas mabusising pagsusuri sa kalagayan ng iba’t ibang uri ng negosyo sa lungsod na kinabibilangan ng wholesalers, manufacturers, retailers, hotels and resorts, travel and tours, contractors, akademya, mga nagpapaupa, mga nagtitinda sa Imus Public Market, at mga naghahatid-serbisyo sa pagkain at medikal. Katuwang din sa naganap na diyalogo ang Sangguniang Panlungsod, City Administrator’s Office, City Treasurer’s Office, City Planning and Development Office, Business Permits and Licensing Office, Office of the Building Official, City Legal Office, City Assessor’s Office, at City Health Office. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na suportahan at palakasin pa ang sektor ng negosyo sa pamamagitan ng regular na pakikipag-ugnayan sa mga negosyante at namumuhunan sa Imus.