IMUS Heritage Park — Binigyang pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa huling pagkakataon ang tatlong watawat ng Pilipinas na natapos na ang paninilbihan bilang simbolo ng kalayaan ng bansa nitong Hunyo 11, 2023. Sa pakikipagtulungan ng Imus City Tourism and Heritage Office sa Boy Scouts of the Philippines at sa Girl Scouts of the Philippines, pinangunahan nina City Vice Mayor Homer Saquilayan, Committee Chair on Tourism Konsehal Jelyn Maliksi, City Administrator Tito Monzon, at Acting City Tourism Officer Dr. Jun Paredes ang seremonya ng pagsusunog ng watawat. Bago isagawa ang naturang seremonya, itinaas muna ang mga watawat at hinayaang magwagayway sa kahuli-hulihang pagkakataon. Kasabay ng pag-awit ng kantang “Pilipinas Kong Mahal,” ibinaba ng Imus Scouting Council ang mga watawat. Ipinaliwanag naman ni City Administrator Monzon ang kahalagahan ng watawat ng Pilipinas habang nagbigay ng mensahe si City Vice Mayor Saquilayan bilang huling parangal sa watawat ng Pilipinas. Nanguna naman ang Key Administrator ng Girl Scouts of the Philippines na si Imus Council Zenaida Lacson sa pagbigkas ng “Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas.” Matapos ang seremonya ng pagsusunog, pinangasiwaan ng Philippine National Police Imus ang paglalagay ng abo ng mga watawat sa isang urna at inilibing sa tabi ng monumento ni Inang Laya. Saksi rin dito ang Department of Education Schools Division Office Imus at ang Imus City Information Office. Alinsunod sa Section 14 ng Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang mga luma, kupas, at punit na watawat ng Pilipinas ay nararapat na bigyan ng huling papugay sa pamamagitan ng mapitagang seremonya ng pagsusunog sa pambansang watawat ng Pilipinas o flag-burning ceremony.