ANABU I-G, Imus — Sa pagtutulungan ng Environmental Management Bureau, Imus City Environment and Natural Resources Office (CENRO), at Provincial ENRO, nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng World Environment Day at Philippine Environment Month noong Hunyo 5, 2023. Nagsagawa ang mga naturang tanggapan ng masugid na paglilinis sa Imus River na dumadaloy sa Ragatan, Brgy. Anabu I-G. Lumahok din dito ang mga pribadong kumpanya na kinabibilangan ng Maynilad Water Services, Inc., WalterMart, at Dalebo Construction and General Merchandise. Ayon sa Proklamasyon Blg. 237 taong 1988, ang buwan ng Hunyo ay Philippine Environment Month. Ginugunita naman ang World Environment Day kada taon pagsapit ng Hunyo 5 upang ipaalala sa publiko ang tumitinding krisis sa klima at suliranin kaugnay ng kalikasan at kapaligiran. Ngayong taon, nakasentro sa temang “No to Waste: Advancing Circular Economy to #BeatPlasticPollution!” ang selebrasyon ng Environment Day. Matatandaang pinaigting pa ng Pamahalaang Lungsod ang mga programang pangkapaligiran nito sa paglunsad ng Balik Basket at Bayong Program at ang lingguhang paglilinis sa mga daluyan ng tubig.