City of Imus

First Congressman AJ Cup Inter-cluster Volleyball Tournament, inumpisahan na



May 28



IMUS Sports Complex — Pormal nang binuksan ni Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula ang First Congressman AJ Cup Inter-cluster Volleyball Tournament nitong Mayo 28, 2023, kaagapay ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Kalahok dito ang siyam na clusters sa Imus na binubuo ng 18 koponan at nahati sa Women’s Division at Men’s Division.

Sa kaniyang mensahe, ipinahayag ni Cong. AJ ang kaniyang hangarin na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Imuseñong manlalaro ng volleyball na maipakita ang kanilang galing sa pamamagitan ng mga liga tulad nito. Isinaad din niya ang kagustuhang mabuo ang magandang samahan sa pagitan ng mga atleta at mailayo ang mga kabataan mula sa masamang bisyo.

Ayon naman kay Mayor AA, ang naturang paligsahan ay maaari ding magbukas ng oportunidad sa mga manlalarong magpapamalas ng kanilang husay na makapag-aral nang libre sa kolehiyo. Dagdag pa ng alkalde na patuloy ang pagsuporta ng administrasyong Advincula sa larangan ng sports at maging sa pag-usbong ng mga atletang mag-uuwi ng karangalan sa Imus.

Bahagi rin ng opening ceremony sina Konsehal Lloyd Jaro, Konsehal Sherwin Comia, Konsehal Enzo Asistio, Sangguniang Kabataan Federation President Joshua Guinto, at Pastor Rommel de Leon.

Dumalo rin dito ang Officer-in-charge (OIC) ng Imus City Sports Development Unit na si Mr. Patrick Paulme at ang OIC ng Imus Youth Affairs Office na si Mr. Jericho Reyes na katuwang din sa nasabing paligsahan.

Sa pagsisimula ng mga laro, agad na nakapagtala ng unang panalo ang Cluster 1, 3, at 6 para sa Women’s Division at ang Cluster 2, 5, at 7 para sa Men’s Division.

Ang volleyball tournament ay ang ikalawang larong bahagi ng First Congressman AJ Cup Inter- cluster.