IMUS, Cavite — Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang Pambansang Araw ng Watawat at ang Ika-125 Anibersaryo ng Labanan sa Alapan nitong Mayo 28, 2023 sa Dambana ng Pambansang Watawat ng Pilipinas (Imus Heritage Park) sa pamumuno ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Tagapangulo ng NHCP na si Dr. Emmanuel Franco Calairo. Sa bating pambungad ni Mayor AA, nanawagan siya sa kaniyang mga kababayan na hikayatin ang bawat isa, higit ang mga kabataan, na pahalagahan ang kanilang pagkakakilanlan bilang Pilipino. “Sa kabila ng paglipas ng panahon, ang pagpapahalaga sa kasaysayan at pagiging makabayan ay tila unti-unti nang nawawala sa ating mga puso, lalong-lalo na sa kabataan. Kaya naman po, tungkulin po natin bilang nakatatanda na buhayin ang diwa ng nasyonalismo sa kanila.” Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na pang-unawa tungkol sa mga isyu na kinakaharap ng bansa. “Himukin natin sila [mga kabataan] na magkaroon ng kamalayan sa mga isyu ng ating bansa dahil mahalaga na manatili tayong mulat at mapagbantay sa pagprotekta sa ating pinaghirapang kalayaan at pinaglabanang demokrasya.” Sa naturang selebrasyon, pinangasiwaan ng Philippine Navy ang pagtataas ng watawat. Habang pinangunahan ng panauhing pandangal, Senador Francis Tolentino, ang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Inang Laya kasama sina Dr. Calairo, Mayor Advincula, at Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Cavite, Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula. Nakiisa rin dito ang mga board member ng Ikatlong Distrito ng Cavite, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Vice Mayor Homer Saquilayan, department heads, unit heads, at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Imus. Sa talumpati nina Sen. Tolentino, Dr. Calairo, at Cong. AJ, iisa ang kanilang mensahe: ang gunitahin ang kabayanihan ng mga Himagsikang Pilipinong nagpalaya sa Pilipinas mula sa mga kamay ng mga mananakop na Kastila. Inihayag din ni Mayor AA ang suporta ng lokal na pamahalaan para sa paglago ng turismo at pangangalaga sa kasaysayan. “Makakaasa po kayo na ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ay buong pusong susuporta at tutulong upang maisakatuparan ang iba’t ibang plano sa ating turismo at kasaysayan. Pagpatuloy po natin ang mga nasimulan ng ating mga ninuno na nagsumikap tungo sa pagbabago upang makaambag sa ikauunlad ng Pilipinas, at dito po natin umpisahan sa pinakamamahal nating bayan, ang makasaysayang Imus.” Ang taunang paggunita ay nagbibigay-pugay sa kagitingan at katapangan ng mga Pilipinong nakipaglaban para sa kalayaan noong Mayo 28, 1989 sa Labanan sa Alapan. Sa makasaysayang kaganapang ito unang iwinagayway ang watawat ng Pilipinas, dahilan kung bakit tinawag na “Flag Capital of the Philippines” ang Imus. Ang naturang araw ay panimulang pagdiriwang din ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng National Flag Days na tumatagal hanggang Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, alinsunod sa Kautusang Ehekutibo Blg. 179, taong 1994. Sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,” ipinagdiriwang ngayong taon ang Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.