City of Imus

4,140 Imuseño, nabigyan ng libreng atensyong medikal



May 11



IMUS, Cavite — Tinatayang 4,140 Imuseño ang nabigyan ng libreng atensyong medikal sa pagtatapos ng Medical Mission na pinangunahan ng tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula noong Mayo 11, 2023.

Sa pag-iikot nito sa iba’t ibang barangay, nakatanggap ng libreng konsultasyong medikal, laboratory procedures, x-ray, at gamot ang mga residente ng Cluster 5 hanggang 9 mula Mayo 2 – 11.

Matatandaang nagsimula ang nasabing Medical Mission noong Abril 18 sa SM Center Imus para sa mga residente ng Cluster 1. Sinundan ito ng pagbisita sa mga residente ng Cluster 2 hanggang Cluster 4.

Naging kaagapay rito ang Cavite Provincial Health Office, ang Imus City Health Office, Barangay Health Workers, at volunteers mula sa Imus Institute Batch ’86 Born to Serve Inc. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, kasama si Congressman AJ at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite, ang maayos na kalusugan ng mamamayang Imuseño.