City of Imus

Malagasang 1st, inuwi ang kampeonato sa 2023 Inter-barangay 1st AJAA Cup Softball Tournament



May 1



IMUS Grandstand and Track Oval — Sa pagtatapos ng 2023 Inter-barangay First AJAA Cup Softball Tournament, nasungkit ng Malagasang First ang kampeonato, at ginawaran sila ng Php100,000 matapos makapagtala ng 10 puntos sa loob ng pitong rounds kontra Buhay na Tubig noong Mayo 1, 2023.

Pumangalawa naman ang Buhay na Tubig na pinagkalooban ng Php75,000.

Ayon kay City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ang ganda ng takbo at tagumpay ng naturang paligsahan ay umpisa pa lamang ng mga palarong ilulunsad pa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Umabot naman sa walong rounds ang laban ng Tanzang Luma at Pasong Buaya I. Sa puntos na 2-0, nakatanggap ang Tanzang Luma ng Php50,000 na nasa ikatlong puwesto habang nakuha ng Pasong Buaya I ang Php25,000 na nasa ikaapat na puwesto.

Para sa indibidwal na parangal, hinirang bilang Season Most Valuable Player (MVP), Most Home Run, at Best Slugger si Jehans Coro ng Buhay na Tubig.

Iginawad naman kay Gil Roxas ng Malagasang First ang Finals MVP, kay Cedric Pasno ng Buhay na Tubig ang Best Hitter, kay Jomar Valderama ng Pasong Buaya I ang Best Pitcher, kay Nelson Silla ng Pasong Buaya I ang Most Stolen Base, at kay Lester Ballon ng Anabu I ang Golden Glove.

Nakilahok din sa softball ang Bayan Luma, Anabu I, Anabu II, Alapan I, Bucandala, at Pasong Buaya II.

Saksi rin sa finals sina Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula, City Vice Mayor Homer Saquilayan, Board Member Ony Cantimbuhan, at sina Konsehal Lloyd Jaro, Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Totie Ropeta, Konsehal Sherwin-Lares Comia, at Konsehal Atty. Wency Lara.

Tuloy-tuloy ang suportang ibinibigay ng administrasyong Advincula sa larangan ng sports para malinang pa ang kakayahan ng mga atletang Imuseño.