CITY of Imus Grandstand and Track Oval — Tinatayang umabot sa 55,000 Imuseño ang umalab ang gabi sa AAlab Imus Summer Music Fest 2023 nitong Abril 29, 2023. Handog ito ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula at ni Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula para sa mga Imuseño, higit sa mga kabataan. Sa kaniyang pagbati, inilahad ni Cong. AJ na isa ang libreng concert sa mga daan upang mailayo ang mga kabataan mula sa mga bisyo, lalo na sa banta ng iligal na droga. Tampok dito ang astig na performances ni Pop Rock Royalty Yeng Constantino, ng mga bandang Hale, at Parokya ni Edgar. Sinorpresa rin ng sikat na mananayaw na si Jopay, aktor na si Diego Loyzaga, at aktres na si Franki Russell ang mga Imuseño sa kanilang pagkanta, pagsayaw, at pagpapaalala sa kahalagan ng pag-iwas sa ipinagbabawal na gamot. Hindi rin nagpahuli ang mga musikerong Imuseño na Coherent, The Sun, Joana x Hotspot, si VJ Advincula, at si Jeremiah Tiongco. Samantala, nakakalap ng humigit-kumulang 130,000 views ang live feed ng concert na ipinalabas sa official Facebook page ni Cong. AJ. Kasabay ng kaniyang pangungumusta, pinasalamatan ni Mayor AA ang mga tanggapan at grupo na nagtulong-tulong para sa matagumpay na pagdaraos ng music festival. Kabilang na rito ang City of Imus Tourism and Heritage Office, Imus City Information Office, Office of the City Mayor, Congressman’s Office, Imus City Engineering Office, General Services Office, Imus City Health Office, Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office, Imus City Environment and Natural Resources Office, Civil Security Unit, Philippine National Police Imus, Philippine Army, Bureau of Fire Protection Imus, Sangguniang Barangay ng Imus, at volunteers. Bago nagtapos ang AAlab Imus Summer Music Fest, tila nagpahiwatig si Cong. AJ na muling magkakaroon ng libreng concert sa lungsod sa Disyembre ngayong taon.