City of Imus

Malawakang pagbabakuna kontra Tigdas, Rubella, at Polio sa Imus, inumpisahan



April 24, 2023



IMUS City Government Center — Mahigit isang linggo bago isagawa ang malawakang pagbabakuna kontra Tigdas, Rubella, at Polio, idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kick-off ceremony ng Measles-Rubella at Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA) nitong Abril 24, 2023 sa pangangasiwa ng Imus City Health Office (CHO).

Pinangunahan ito nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, Committee Chairperson on Health Konsehal Enzo-Asistio Ferrer, at City Health Officer Dr. Ferdinand Mina.

Inirerekomenda ng Department of Health na mabakunahan ang mga chikiting na nasa edad 0 hanggang 59 na buwan ng bakuna kontra Polio habang bakuna kontra Tigdas at Rubella para naman sa mga batang edad 9 hanggang 59 na buwan.

Upang mahikayat pa ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, inilunsad ang “A Social Media Search for the Fully Immunized Chikiting” sa Lungsod ng Imus.

Sa isinagawang paggawad nitong Abril 26, hinirang bilang Fully Immunized Chikiting si Heiram Hezekiah Urbina matapos makakuha ang kaniyang entry ng humigit-kumulang 2,000 reactions sa official Facebook page ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Kinilala naman bilang second at third place sina Estelle Luna Bautista at John Ezequiel Estrata na nakatanggap ng 1,100 reactions at 525 reactions.

Bukod sa naiuwing cash prize, ipinagkaloob din sa 9 na kalahok ang libreng Tempra medicine.

Nakatakdang magtalaga ng vaccination sites at magbahay-bahay ang Imus CHO sa mga barangay sa Imus sa buong buwan ng Mayo. Layunin nito na mabigyan ng karampatang proteksyon ang mga bata mula sa mga nakababahalang sakit tulad ng Tigdas, Rubella, at Polio.

Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na marami pang mga magulang ang mahikayat na kumpletuhin ang pangunahing bakuna ng kanilang mga anak.