IMUS, Cavite — Sa mungkahi ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Earth Day 2023 nitong Abril 22, 2023, sa pamamagitan ng paglunsad sa Balik Basket at Bayong Program at sa pagsasagawa ng sabayang paglilinis sa mga barangay sa Imus. Ipinahayag ni Mayor AA na seryoso ang Pamahalaang Lungsod na mabawasan ang paggamit ng plastik sa Imus bunsod ng lumalalang problemang naidudulot nito sa kapaligiran, higit sa mga daluyan ng tubig, na isa sa mga pangunahing dahilan ng tumitinding pagbaha sa lungsod. Sinimulan ng alkalde ang araw sa pagbisita sa sabayang paglilinis sa Pasong Santol, Brgy. Anabu II-F at sa Malagasang I-E. Ininspeksyon din niya ang mga sapa at kanal na ayon sa kaniya ay mas dadalasan ang paglilinis ng River Rangers ng Imus City Environment and Natural Resources Office (CENRO) tuwing araw ng Sabado. Ito ay dulot na rin ng tumataas na mga naitatalang kaso ng dengue sa Imus. Pinuntahan din ni Mayor AA ang Imus Public Market at namahagi ng paunang 200 bayong sa mga mamimili. Isinaad din niya ang lingguhang pamimigay ng mga ito ng CENRO sa iba’t ibang pampublikong pamilihan sa Imus tuwing araw ng Sabado upang mahikayat ang mga mamimili, maging ang mga nagtitinda, na iwasan ang paggamit ng plastik. “Ipakita [natin] na sa Imus, tayo po ay sumusunod sa pagbabawal ng plastik para po sa kalikasan,” pahayag ni Mayor AA sa kaniyang pamamahagi ng mga bayong. Nagpasalamat din ang punong lungsod sa mga punong barangay at kagawad, sa Imus City Engineering Office, at sa Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office. Ang pagbabawal ng paggamit ng plastik sa Lungsod ng Imus ay alinsunod sa Ordinansa Blg. 2012-134, o “An Ordinance Prohibiting the Use of Plastic Bags on Dry Goods Regulating its Utilization on Wet Goods and Prohibiting the Use of Styrofoam/Styropor in the City of Imus and Prescribing the Penalties Thereof.” Nag-umpisa noong 1970, ngayon ay taon-taon nang ipinagdiriwang ang Earth Day tuwing Abril 22. Layunin nito na maitaas ang kamalayan at kaalaman ng publiko tungkol sa mga pangkalikasan at pangkapaligirang isyu na kinakaharap sa bawat panig ng mundo. Patuloy naman ang pagsusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga programang makatutulong sa kalikasan tulad ng solid waste segregation, paglilinis ng mga ilog, Basuraffle, eco bricks, at ang araw-araw na pag-iikot ng Bantay Kalikasan sa mga pangunahing kalsada sa Imus.