IMUS Sports Complex — Opisyal nang nag-umpisa ang First Congressman AJ Cup Inter-cluster Basketball Tournament, kalahok ang siyam na clusters sa Imus at ang Team AJAA nitong Abril 22, 2023, sa pamamagitan ng pondong nagmula mismo kay Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula, katuwang ang Imus City Sports Development Unit. Ayon kay Cong. AJ, kung siya ay gagastos, gusto niya itong mapunta sa kapwa niya Imuseño. Isinaad din niya na bagama’t pisikal ang larong basketbol, hangad niyang magkaroon pa rin ng respeto ang mga manlalaro sa kanilang kapwa, sa mga coach, at maging sa mga miyembro ng komite. Binigyang-komendasyon naman ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula si Cong. AJ sa kaniyang inilunsad na programa para mailayo ang mga kabataan mula sa mga bisyo, higit sa pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot. Bukod sa mapayapa at maayos na pagtatapos ng liga, hangad din ni Mayor AA na maging daan ito upang magkaroon ng magandang samahan ang mga kabataang Imuseño. Dagdag pa ng punong lungsod na maaaring mapasama sa iba pang liga ang mga manlalarong mapatutunayan ang kanilang husay sa larong basketbol. Bahagi rin ng isinagawang Ceremonial Toss si City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, gayon din sina Cong. AJ at Mayor AA. Naganap din ang Battle of Muse, kung saan hinirang na Best Muse si Rachel Fernandez mula sa Cluster 7. Sa pagtatapos ng unang tatlong laro, natanggap ng Cluster 6, Cluster 7, at Cluster 1 ang kanilang mga unang panalo kontra sa Cluster 8, Cluster 5, at Cluster 2. Ang First Congressman AJ Cup Inter-cluster Basketball Tournament ay ang kauna-unahang liga ng basketbol na handog ni Cong. AJ para sa mga kabataang Imuseño.