City of Imus

National Women’s Month 2023: Inklusibong Imus para sa lahat ng kasarian



March



National Women’s Month 2023: Inklusibong Imus para sa lahat ng kasarian

IMUS, Cavite — Sa pangunguna ng Gender and Development Unit (GAD), nakibahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso 2023 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa at aktibidad na nakasentro sa mga kababaihan. Inumpisahan ng GAD ang buwan sa pag-anunsyo ni Ms. Shella Dy ng mga programang ilulunsad ng kanilang tanggapan para sa mga Imuseño noong Marso 6, kasabay ng pagsasagawa ng regular na flag raising ceremony tuwing Lunes. Emergency First Aid and Disaster Preparedness Seminar for Mothers

Nakiisa ang Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagdiriwang ng International Women’s Day noong Marso 8 sa pamamagitan ng pagdaos ng Emergency First Aid and Disaster Preparedness Seminar para sa mga ilaw ng tahanan ng Brgy. Bayan Luma IV. Sa paglahok ng 30 nanay, napag-alaman nila kung paano ang tamang pagbibigay ng paunang lunas, kabilang na ang pagbibigay ng CPR, at ang mga dapat gawin upang maging ligtas ang kanilang mga pamilya sa kahit anong sakuna at kalamidad. Nakasama rin dito sina Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal Jelyn Maliksi, Kap. Natividad Aquilino, at Sangguniang Panlungsod Secretary Mary Jemeny Yulo.





Free Breast at Cervical Cancer Screening para sa Indigent Women


Sa kanilang pakikipagtulungan sa Local Council of Women na pinangungunahan ni Mrs. Neri Advincula, sa Medical Center Imus, at sa Jaro Medical and Diagnostic Center, inilunsad ang libreng Breast at Cervical Cancer Screening para sa mga babaeng Imuseño na higit na nangangailangan ng tulong pangkalusugan noong Marso 16.





Healthcare Kits para sa Indigent Senior Citizens


Naghatid din ang nasabing tanggapan ng healthcare kits para sa mga indigent na lolo at lola nitong Marso 23, kung saan humigit-kumulang 700 senior citizens ang nakatanggap sa pamamagitan ng kanilang cluster presidents sa Imus Senior Citizens Association Incorporated (IMUSCAI).





Tinig para sa Kababaihan Singer-Songwriter Contest


Sa pag-anyaya sa sikat na mang-aawit at proud Imuseño na si Christian Bautista nitong Marso 27, itinanghal bilang Best Song ang kantang “Munting Payo” ni Aron Abad kasama si Rose Ann Barrameda sa Tinig para sa Kababaihan Singer-Songwriter Contest ng GAD. Hinirang namang Second Placer ang komposisyon ni Jessica Therese Ferrer na “Dahil Babae Ka,” habang Third Placer si Rosalinda Torres sa kaniyang awit na “Kakaibabaihan.”





Buntis Congress: AAgapay kay Nanay para sa Kinabukasang Makulay


Katuwang ang Imus City Health Office, idinaos ang Buntis Congress: AAgapay kay Nanay para sa Kinabukasang Makulay nitong Marso 29 sa Imus Sports Complex. Natutunan dito ng humigit-kumulang 400 buntis kung paano ang wastong pangangalaga sa kanilang kalusugan at ng kanilang mga anak habang nagbubuntis at pagkatapos nilang manganak. Nakatanggap din ang mga nanay ng buntis kit at libreng diabetes at hepatitis B screening. Nag-uwi naman ng gift certificates para sa pelvic ultrasound mula sa Mary Immaculate Laboratory at para sa blood chemistry testing at urinalysis mula sa Health Probe Laboratory ang masusuwerteng kalahok. Kabilang din sa mga nakibahagi ay sina Konsehal Yen Saquilayan bilang Committee Chair on Social Services, Family, Women, Children, and Elderly at Konsehal Enzo-Asistio Ferrer bilang Committee Chair on Health.





Assistance to Differently Abled Women


Sa pamamagitan ng mga kinatawan ng iba’t ibang barangay cluster sa Imus, naipamahagi ng GAD ang humigit-kumulang 400 health at hygiene kits para sa mga Imuseñong kababaihang may kapansanan nitong Marso 30. Ang bawat kit ay naglalaman ng shampoo, wipes, alcohol, sabon, toothpaste, toothbrush, at insect repellent lotion. Nais ng GAD na maramdaman ng mga kababaihang may kapansanan na mayroon silang gobyernong maaasahan.





Women’s Trade Fair at Livelihood Skills Training


Naghandog ang City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial Development Office ng Women’s Trade Fair at libreng Livelihood Skills Training nitong Marso 30 – 31 sa The District Imus. Itinampok sa mga naturang araw ang iba’t ibang produkto ng mga kababaihang Imuseño mula sa mga pagkain hanggang sa mga tanim na halaman. Natutunan naman ng 30 kababaihang lumahok ang bead making at ang paggawa ng iba pang fashion accessories. Nakiisa rin sa aktibidad sina Konsehal Yen Saquilayan at Konsehal Jelyn Maliksi.





Building a Gender-Inclusive Workplace


Sa huling araw ng Marso, nakiisa ang Imus Local Economic Development and Investment Promotions Office sa pagsasagawa ng seminar ukol sa Building a Gender-Inclusive Workplace nitong Marso 31 na ginanap sa Imus City Government Center. Napag-usapan dito ang pagkakaroon ng pantay na pagtingin at oportunidad sa mga kababaihan pagdating sa trabaho.

Tuwing sumasapit ang buwan ng Marso, ipinagdiriwang ang Pambansang Buwan ng mga Kababaihan, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 227 taong 1988, upang maisulong pa ang pantay-pantay na karapatan at pagtingin sa mga kababaihan sa lipunang patriyarkal. Ngayong taon, ipinakilala ng Philippine Commission on Women ang bagong tema nito para sa susunod na limang taon na “WE for gender equality and inclusive society.” Isa itong panawagan sa muling pagpapatibay ng adbokasiya at pangako ng pag-aksyon upang masuportahan ang pag-unlad ng mga kababaihan. Kasama ng bawat Imuseño ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, sa pagsasakatuparan ng mga programa at serbisyong mag-aangat sa buhay ng mga babaeng Imuseño.