IMUS CITY PLAZA — Tampok ang ani ng magsasakang Imuseño, inilunsad ng City Agriculture Services Office (CASO) ang Night Market Agricultural Trade Fair noong Marso 10, 2023, kaagapay ang City Tourism and Development Office (CTDO). Ilan sa mga produktong itininda ay ang kamatis, upo, patola, pechay, mustasa, bawang, sibuyas, papaya, guyabano, saba, bigas, at iba’t ibang halaman. Nanatili itong bukas tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo hanggang matapos ang buwan ng Marso. Pinangunahan ni City Administrator Hertito Monzon ang opisyal na pagbubukas ng naturang trade fair kasama si City Agriculturist Robert Marges at mga kawani ng CASO at ng CTDO. Ang Night Market Agricultural Trade Fair ay isa sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus upang matulungan ang mga magsasakang Imuseño na maipakilala at mahikayat pa ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga produkto.