City of Imus

Sunod-sunod na TUPAD Orientation, idinaos sa Imus



March 2023



IMUS, Cavite — Upang maihanda ang mga manggagawang Imuseño sa kanilang pansamantalang trabaho, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus at ang Department of Labor and Employment (DOLE) Cavite Provincial Office ng serye ng mga oryentasyon para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) noong Marso 7, 8, at 20, 2023 sa Imus Sports Complex at sa Imus City Government Center.

Sa pamamagitan nito, nalaman ng 1,714 na benepisyaryo ang bilang ng mga araw ng kanilang trabaho, kanilang gagawin, matatanggap na sahod, at kontratang pipirmahan.

Sa loob ng 10 araw, nakatanggap ang bawat manggagawa ng Php 4,700.00, o katumbas na Php 470.00 sahod kada araw na alinsunod sa minimum wage rate na ipinapatupad sa probinsya ng Cavite.

Lubos din ang pasasalamat nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula sa paglaan ng pondo nina Sen. Pia Cayetano at Sen. Riza Hontiveros upang matulungan ang mga Imuseñong nawalan ng trabaho at walang maayos na hanapbuhay.

Matatandaan na idinaos ang unang TUPAD Orientation sa Imus para sa taong 2023, noong Pebrero 16 kaagapay ang tanggapan ni Sen. Hontiveros.

Ang TUPAD ay isang community-based amelioration program ng DOLE na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa displaced, underemployed, at seasonal workers.