IMUS, Cavite — Sa pagtutulungan ng tanggapan ni Konsehal Atty. Wency Lara, ng Imus City Legal Office, at ng Imus City Civil Registrar’s Office, inilapit ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang libreng legal advice at ang aplikasyon para sa late birth registration noong Pebrero 9 sa Greengate Homes, Brgy. Malagasang II-A, at nitong Pebrero 24, 2023 sa Sarreal Village, Brgy. Bucandala II. Upang makatanggap ng libreng legal advice, kailangan lamang dalhin ang mga dokumento na may kaugnayan sa nais ipakonsulta sa legal officers. Para naman sa mga nais magpasa ng aplikasyon para sa late birth registration, kailangang ihanda ang mga dokumento tulad ng negative result mula sa Philippine Statistics Authority, Baptismal Certificate, Barangay Certification, medical records, Affidavit of Two Witnesses, Marriage Contract ng mga magulang (kung mayroon), cedula ng mga magulang sa taong 2023, Voter’s Affidavit ng aplikante (kung mayroon), school record o form 137, at Affidavit para sa mga ipinanganak sa ibang bayan o lungsod. Sinimulang ihatid sa 97 barangay sa Imus ng Legal Office at ng Civil Registrar’s Office ang mga naturang serbisyo noong Enero 2023. Patuloy naman ang pag-iikot ng Pamahalaang Lungsod sa iba pang mga barangay upang matugunan ang pangangailangang konsultasyong legal at pagpaparehistro ng publiko.