IMUS BOULEVARD — Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kauna-unahang ligtas na karera para sa mga siklista, o a safe criterium race, sa Imus na pinamagatang “IMUSiklista 2023: Bike Ko, Date Ko” nitong Pebrero 12, 2023, sa pagtutulungan ng Imus City Tourism and Development Office, Imus City Sports Development Unit, at CDS Offroad Playground. Bukod sa layuning mahikayat ang mga Imuseño na pangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagbibisikleta, nanawagan din si City Administrator Hertito Monzon na maging kaisa ang cycling groups at mga indibidwal sa pagsulong ng isang ligal at ligtas na karera sa pamamagitan ng pagkuha ng kaukulang permit. Bahagi rin ng IMUSiklista 2023 ang 85 taong gulang at pinakamatandang kalahok na si Mr. Cecilio Borja na nakatanggap din ng Sertipikasyon ng Pagkilala, at ginawaran ng isang espesyal na parangal bilang pagbibigay-pugay sa kaniyang ilang dekadang pagtataguyod sa pagbibisikleta bilang isang sport at uri ng ehersisyo. Sa panayam kay Mr. Borja, inihayag niya na hindi man madali ang pagbibisikleta, isa naman ito sa mga susi para mapanatili ang malusog niyang pangangatawan. Ang naturang criterium race ay nahati sa dalawang race loops – ang MTB Loop na mayroong 1.45 km per loop at ang Road Bike Loop na mayroong 3.28 km per loop. Naging bahagi rin ng aktibidad ang Team Quintia na nagsilbing race director, si Mr. Ger Victor bilang race host, at 15 sponsors na naghatid ng mga papremyo at freebies sa mga kalahok. Sa matagumpay na pagtatapos ng kauna-unahang IMUSiklista, naniniwala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus na mahihikayat pa ang mga Imuseño na maging kaisa sa pagsusulong ng ligtas na karera para sa mga siklista.