IMUS, Cavite — Isang gabing nabalot ng hiyawan at kantahan ang Imus, kung saan napuno ng ngiti ang mga labi at galak ang mga puso ng mga taong nag-iibigan. Sa pagmamahal na gustong maipadama sa bawat Imuseño, inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang mga programang nagpatunay na sa Imus, AAni ng Pagmamahal. Sa pakikipagtulungan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa Imus City Tourism and Development Office (CTDO) at sa Imus City Information Office (CIO), ginanap ang AAni ng Pagmamahal: A Free Valentine Concert nitong Pebrero 10, 2023 sa City of Imus Grandstand and Track Oval. Tampok dito ang sikat na mang-aawit na si Erik Santos, ang indie band na SunKissed Lola, at ang rock band na Silent Sanctuary. Kasama rin sa nangharana sa humigit-kumulang 18,000 katao at 2,300 Facebook live viewers ang ilang mga musikerong Imuseño. Handog naman ni Mayor AA ang dalawang araw at isang gabing Free Valentine’s Day Date sa Solaire Resort and Casino Manila nitong Pebrero 14 sa tatlong pares na nagbahagi ng kanilang nakakakilig at nakaka-inspire na kuwentong pag-ibig. Sa parehong araw, idinaos ang pinakamalaking Kasalang Imuseño sa pag-iisang dibdib ng 48 magkabiyak kasama sina Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula at Deputy Chaplain Ramil Ilano. Ang bawat pares ay nakatanggap din ng monetary gift, unan, at appliances mula sa Pamahalaang Lungsod. Natapos man ang Buwan ng Pag-ibig, hindi naman mauubos ang pagmamahal ng mga lingkod bayan para sa Imuseño.