City of Imus

National Arts Month 2023: AAni ng Pagmamahal sa Imus



February 3



IMUS CITY PLAZA — Umani ng lubos na pagmamahal ang pagdiriwang ng Buwan ng mga Sining ngayong taon ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na may temang “AAni ng Pagmamahal: Love ARTfair” sa buong buwan ng Pebrero.

Iba’t ibang aktibidad ang inilunsad ng Imus City Tourism and Development Office (CTDO) upang mapatunayan ng mga Imuseño ang kanilang galing sa sining.

Inumpisahan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Love ARTfair noong Pebrero 3, 2023 sa pangunguna nina CTDO Officer-in-charge Dr. Jun Paredes, Committee Chair on Culture and Tourism Konsehal Jelyn Maliksi, Cavite Tourism Officer Rozelle Sangalang, Office of the Vice Mayor’s Supervising Administrative Officer Paeng Alarcon, at Acting City Information Officer Ervin Ace Navarette.

Sa buong Biyernes ng Pebrero, natunghayan ang iba’t ibang talento ng mga artistahing Imuseño sa MagkasintahART tampok ang tanghalan ng mga talentadong Imuseño, at gabi na puno ng mahika at makata sa magic show, scriptwriting at art workshops, storytelling, at open mic sessions.

Natunghayan din sa SineSinta Kita ang pelikulang pinamagatang “Namets!” ni Jay Abello, isa sa mga finalist ng 2008 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival na naglarawan sa pagluluto bilang daan patungo sa puso ng isang tao.

Nabigyan naman ng pagkakataon sa TagpuART ang mga alagad ng sining na maipakita ang kanilang mga likha, pati na rin ang mga nais matuto sa pamamagitan ng libreng mentoring. Muli ring binuksan ang Imus City Artist Registry para sa mga Imuseño artist na nais maging bahagi ng opisyal na talaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga alagad ng sining na maipakilala at mapagkakitaan ang kanilang mga likha sa BazaART.

Samantala, iba’t ibang pagkain at panghimagas ang pinagsalu-saluhan sa Pika-PikART at Uhaw sa PagmamahART.

Bilang pakikiisa naman ng Imus City Public Library, isinalaysay ni Dr. Ester Rosales-Paredes ang “Mang Andoy’s Signs” ni Mailin Paterna, isang istoryang nagbibigay-halaga sa sining ng pagkumbinsi, nitong Pebrero 10 sa programang Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata, Tara na!

Nagsagawa rin ang ilang Imuseño artists ng libreng Basic Art Workshop kasama si Roy Abihay, Scriptwriting at Basic Acting Workshop sa pangunguna ni Dwight Angelo Vito Cruz, at Art Welding Demo ni Richard Buxani.

Hinarana rin ng Nueno Classic Chamber Singers at ni Selwyn Magahis sa kaniyang violin performance ang mga Imuseñong nakibahagi sa pagmamahal sa sining. Kada taon, pagsapit ng Pebrero ay ipinagdiriwang ang Buwan ng mga Sining alinsunod sa Proklamasyon Blg. 683 taong 1991. Ngayong taon, nakasentro ang selebrasyon sa temang “Ani ng Sining, Bunga ng Galing,” na kumikilala sa galing at determinasyon ng mga alagad ng sining, anumang mga pagsubok ang kanilang harapin.