City of Imus

9,000 Imuseño, nakatanggap ng libreng serbisyong medikal mula sa Glendale Korean SDA Church at SDA Imus



January 23-27



IMUS, Cavite — Matagumpay na nagtapos ang limang araw na Glendale Korean Seventh-day Adventist (SDA) Church at SDA Imus Medical-Surgical Mission na ginanap sa Imus Pilot Elementary School at sa Ospital ng Imus (ONI) noong Enero 23 – 27, 2023.

Mula sa target na 7,500 Imuseño, umabot sa mahigit 9,000 ang nabigyan ng libreng serbisyong medikal ng medical mission team na kinabibilangan ng mga volunteer mula sa Glendale Korean SDA Church, Imus SDA, Samhyook University, at Korean Union Conference of SDA.

Umagapay rin dito ang City Health Office (CHO), ONI, Liga ng mga Barangay, at City Tourism and Development Office (CTDO) ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Sa loob ng limang araw, nabigyan ng iba’t ibang atensyong medikal ang mga Imuseño pagdating sa chiropractic, ngipin, mata, general medicine, OB-Gyne, acupuncture, pediatric, at live blood analysis. Bukod sa pamamahagi ng libreng gamot, naghatid din ang grupo ng libreng operasyon sa katarata at sa cleft lip patients.

Noong Enero 22, bago ang pagsasagawa ng aktuwal na medical mission, pormal na sinalubong ng Pamahalaang Lungsod ang mga miyembro ng medical mission team na pinangungunahan nina Elder Young Lee, Dr. Lamber Lee, at Dr. Joseph Kang.

Sila ay binigyan ng paunang pagbati nina City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, Konsehal Enzo-Asistio Ferrer – Committee Chair on Health, Nutrition, Population, and Sanitation, City Administrator Hertito Monzon, Dr. Gabriel G. Gabriel ng ONI, Dr. Mary Ann Cruz ng CHO, at Dr. Jun Paredes ng CTDO.

Hiling ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na sa pamamagitan ng mga kolaborasyong pangkalusugang, gaya nito, ay matugunan pa ang pangangailangang medikal ng mga Imuseño.