City of Imus

75 pamilyang nasunugan sa Imus, hinatiran ng tulong



January 14-15



IMUS, Cavite — Agad naghatid ng tulong ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 75 pamilya na kinabibilangan ng 222 indibiduwal na biktima ng sunog sa Halang, Brgy. Poblacion IV-B noong Enero 14 – 15, 2023.

Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog 11:47 ng gabi noong Enero 14 at naapula makalipas ang tatlong oras, 02:48 na ng umaga ng Enero 15.

Binisita at inabutan ng tulong pinansyal ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga nasunugan na pansamantalang nanuluyan sa Cavite Provincial Evacuation Center, Brgy. Palico IV.

Ilang tanggapan ng pamahalaan, mga pribadong grupo, at mga indibiduwal ang nagbigay rin ng tulong matapos manawagan ang Pamahalaang Lungsod ng mga donasyon tulad ng damit, sapatos o tsinelas, kumot, hygiene kits, pagkain, at iba pa.

Kabilang sa mga nag-abot ng tulong ay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite, Department of Social Welfare and Development Field Office IV-A, mga tanggapan nina Board Member Ony Cantimbuhan, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal Wency Lara, at Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan.

Tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid-serbisyo ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa mga biktima sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang organisasyon.