IMUS, Cavite — Pinasinayaan na ang pagtatayo ng tatlong bagong pampublikong paaralan sa Imus na tatawaging Malagasang I Elementary School Annex, Malagasang II Elementary School Annex, at City of Imus Integrated School—Maharlika nitong Enero 10, 2023. Isa itong mungkahi ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, kaagapay ang Ikatlong Distrito ng Cavite at ang Imus Schools Division Office upang mapaayos pa ang kalidad ng edukasyon sa Lungsod. Ayon kay Mayor AA, bahagi ang edukasyon sa mga prayoridad ng kaniyang panunungkulan. “Edukasyon ang isa sa [mga] importanteng programa, [kaya’t], iyan po ang inuna natin. Dahil, naniniwala ako na ang edukasyon ang susi sa kahirapan. Ito nga pong programa ng ating administrasyon [ay layuning] mapadami at mapalaki ang ating school sites at school buildings dito sa Lungsod ng Imus,” pahayag ni Mayor AA sa groundbreaking at unveiling ceremonies ng tatlong paaralan. Nakasama rin ng alkalde sina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, Schools Division Superintendent Dr. Rosemarie Torres, mga punong barangay, homeowners’ association officers, at department heads. Nakatakdang itayo ang Malagasang I Elementary School Annex sa 5,000 metro kwadrado na lupain sa Jade Residences na ipinagkaloob ng Shangland Development Corp. Magkakaroon ito ng isang apat na palapag na gusali at 16 na silid-aralan para sa phase one ng proyekto, at mayroong kabuuang apat na gusali at 64 na silid-aralan. Galing naman sa Pamahalaang Lungsod ang 5,000 metro kwadrado na lupain sa Greengate para sa Malagasang II Elementary School Annex, na planong maitayo sa phase one ang isang apat na palapag na gusali na mayroong 20 silid-aralan, mula sa kabuuang limang gusali na kinabibilangan ng 72 silid-aralan. Samantala, 1.8 ektarya ang inilaan para sa City of Imus Integrated School—Maharlika, kung saan unang itatayo rito ang dalawang apat na palapag na gusali na mayroong 32 silid-aralan na pinondohan ng mga tanggapan nina Sen. Francis “Tol” Tolentino at Congressman AJ Advincula. Sa kabuuan, limang gusali na kinabibilangan ng 110 silid-aralan ang itatayo rito. Sa pagtatapos ng mensahe ni Mayor AA, iisa ang kaniyang habilin sa mga residente—pangangalaga sa mga pampublikong paaralan nang sa gayon ay magamit pa ng mga susunod na henerasyon. “Ang proyektong ito ay alay namin sa inyo. Sana po ay paka-ingatan, sana po ay paka-alagaan. Ito po ay para sa magandang kinabukasan ng ating mga bata. Umasa po kayo, sa larangan ng edukasyon, 100 porsyento ang suporta ng inyong mayor,” saad ni Mayor AA.