IMUS, Cavite — Sinimulan na ng City of Imus Task Force for Road Clearing (CITF) ang paglalagay ng clamps at paghahatak sa mga sasakyang nakaharang sa mga pampublikong daan sa Imus nitong Enero 12, 2023. Sa pagtatapos ng buwan, 352 sasakyan ang naitalang na-clamp ng CITF sa kanilang pag-iikot sa iba’t ibang barangay sa Imus. Ang mga may-ari ng mga nasabing behikulo ay binigyan ng Violation Form na kanila namang dinala sa mga tanggapan ng CITF para tubusin ang kanilang sasakyan. May kaukulang multa ang mga lalabag ayon sa uri ng kanilang sasakyan: P500 para sa two-wheeled at three-wheeled vehicles (motorsiklo, bisikleta, e-bicycle, tricycle, at e-tricycle); P2,000 para sa four-wheeled vehicles (light motor vehicles); P3,000 para sa six-wheeled vehicles (medium motor vehicles); P4,000 para sa eight-wheeled to 10-wheeled vehicles (heavy motor vehicles); at P5,000 para sa 12-wheeled to 20-wheeled vehicles (super heavy motor vehicles). Matatagpuan ang mga tanggapan ng CITF sa fourth floor ng Imus City Government Center, Imus Blvd., Brgy. Malagasang I-G, at sa Old Sangguniang Panlungsod Building, Brgy. Poblacion IV-B. Maaaring tubusin ang mga sasakyan tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon. Ang tuloy-tuloy na road clearing operations ay alinsunod sa City Ordinance No. 05-195 taong 2022, o ang revised Road Clearing Ordinance of the City of Imus, at sa Traffic Code of the City of Imus.