CITYMALL ANABU, Imus — Sa pagtutulungan ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA),
City Social Welfare and Development Office, at Land Bank of the Philippines, naibigay na sa
607 Imuseñong pensiyonado ang kanilang paunang Unconditional Cash Transfer (UCT) na
nagkakahalagang P4,600 mula sa kabuuang P10,000 noong Enero 7, 2023.
Una nang naibigay sa 1,293 benepisyaryo ang unang bahagi ng kanilang UCT noong
Disyembre 17 – 27, 2022.
Ayon kay Ms. Luzviminda Elbinar, Department Head ng OSCA, iaanunsyo ng Department of
Social Welfare and Development Region IV-A ang petsa kung kailan makukuha ang natitirang
P5,600 ng mga pensiyonado.
Ang UCT ay tulong pinansyal mula sa pamahalaan upang maibsan ang epekto ng karagdagang
buwis na ipinapataw sa mga mamamayan bunsod ng pagpapatupad ng Republic Act No.
10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, taong 2018.
Kwalipikadong makatanggap ng UCT ang mga pamilya at indibidwal na kabilang sa Pantawid
Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga benepisyaryo ng Social Pension Program, at bahagi ng
National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) na nasa una
hanggang ika-pitong decile ng naturang sistema.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pamahalaan upang
mabigyan ng regular na tulong ang mga Imuseñong nasa laylayan ng lipunan.