IMUS, Cavite — Sinimulan na ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ang bagong paraan ng pamamahagi ng Senior Citizen Subsidy sa mga miyembro ng Imus Senior Citizen Association Incorporated (IMUSCAI) noong Enero 3, 2023 sa Old Imus City Hall Building. Ayon sa huling tala, nabigyan na ng subsidya ang 319 na senior citizens na mayroong kaarawan ngayong Enero. Kinumusta rin nina City Administrator Hertito Monzon at OSCA Department Head Luzviminda Elbinar ang kaayusan sa pagtanggap ng nasabing subsidya. Maaari namang maging bahagi ng IMUSCAI ang mga senior citizen sa Imus sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Chapter President ng kani-kanilang mga subdivision at barangay. Ang pagpaparehistro ay isinasagawa isang beses lamang sa isang taon. Sa kasalukuyan, mayroong 140 Chapter Presidents at mahigit 30,000 miyembro ang IMUSCAI. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, na pahalagahan at bantayan ang kapakanan ng mga lolo at lola sa pamamagitan ng maayos na pagbibigay-serbisyo sa kanila.