IMUS PILOT ELEMENTARY SCHOOL — Sa temang, “Rizal: Alaalang Iningatan, Yaman ngayon ng Bayan,” nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Dr. Jose Rizal bilang paggunita sa kaniyang ika-126 na anibersaryo ng kamatayan nitong Disyembre 30, 2022. Pinamunuan ni City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan ang nasabing seremonya kasama sina City Administrator Hertito Monzon, Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan, Department of Education Schools Division Imus, Knights of Columbus General Licerio Topacio Assembly, at Imus Historical Society. Ang paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Rizal ngayong taon ay pinangunahan ng City Tourism and Development Office sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government at sa Imus Pilot Elementary School. Kinikilala rin ang buwan ng Disyembre bilang “Rizal Month” batay sa Proclamation No. 126 taong 2001 upang gunitahin ang mga kontribusyon ng pambansang bayani sa pagkamit ng kasarinlan ng Pilipinas.