City of Imus

Pasko ng pag-ibig: 13 magkabiyak mula sa EDS Manufacturing Inc., ikinasal ni Mayor AA



December 17



IMUS CITY GOVERNMENT CENTER — Natupad ang kahilingan ng 13 nag-iibigan matapos pangasiwaan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang kanilang pag-iisang dibdib nitong Disyembre 17, 2022 sa Function Hall ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Ayon kay Mayor AA, bagama’t galing sa magkaibang pamilya ang mga mag-asawa, mahalagang mayroon silang iisang layunin para sa magandang kinabukasan ng pamilyang kanilang binubuo.

Buong suporta rin ang ibinigay ni Mr. Nobuhiro Kato, Chairperson at Chief Executive ng EDS Manufacturing Inc., sa kaniyang mga empleyado sa pagdalo niya sa naturang kasalan. Dumalo rin dito ang assistant manager, union president, departments heads, at ang Family Welfare Committee ng Yazaki.

Pinamunuan naman ni Deputy Chaplain Ramil Ilano ang banal na pagkakasal sa mga magkabiyak.

Nakatanggap din ng regalo ang mga ikinasal mula sa Pamahalaang Lungsod ng Imus at sa EDS Manufacturing Inc.

Ang pagsasagawa ng Kasalang Imuseño para sa mga manggagawa ng naturang kumpanya ay isang espesyal na handog ng lokal na pamahalaan ngayong Pasko ng pag-ibig.