City of Imus

Sunod-sunod na pagkilala sa Imus



December 7



IMUS, Cavite — Bago matapos ang taon, umani ng iba’t ibang parangal ang Pamahalaang Lungsod ng Imus buhat ng natatanging husay na napatunayan nito sa nakalipas na taon.

First CALABARZON SubayBayani Awards
Kinilala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus bilang Outstanding SubayBAYAN Local Government Unit (LGU) in CALABARZON sa kauna-unahang CALABARZON SubayBayani Awards na ginanap noong Disyembre 7, 2022 sa Tagaytay City. Tinanggap ni Engr. Chris Sarno, Department Head ng City Engineering Office, ang pagkilala kabilang na ang dalawa pang mga parangal na Top SubayBAYAN Compliant LGU in Category B – Cities and HUC at Top LGU Implementer in Category B – Cities and HUC. Sa pamamagitan ng SubayBayani Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region IV-A, nabigyang-pagkilala ang mga lokal na pamahalaan sa CALABARZON buhat ng kanilang mahusay at matagumpay na pagpapatupad ng mga proyektong imprastraktura, higit ang locally-funded projects (LFPs), ayon sa SubayBAYAN system ng DILG. Ang SubayBAYAN, o Subaybayan ang Proyektong Bayan, ay isang online application system na sumusubaybay sa progreso ng LFPs ng mga lokal na pamahalaan sa bansa.

Beyond compliant rating sa 22nd Gawad KALASAG
Iginawad kay City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang Beyond Compliant Award ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 22nd Gawad KAlamidad at Sakuna LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan (KALASAG) Seal and Special Awards for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) and Humanitarian Assistance noong Disyembre 7, 2022 sa The Manila Hotel. Ito ay matapos makamit ng Imus ang pinakamataas na marka, o ang 3.00 na rating, mula sa komprehensibong assessment at mabusising pagsusuri ng Regional at National Validation Committee at ng National Gawad KALASAG Committee. Ang pagkilalang ibinigay sa Imus ay bunga ng dedikasyon at tapang ng mga miyembro ng Imus City DRRM Council (CDRRMC), higit ng Imus CDRRM Office, sa kanilang kahandaang rumesponde sa lahat ng oras. Taon-taon, isinasagawa ng National DRRMC ang Gawad KALASAG bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng local DRRM practitioners, pampubliko o pribado man, para sa kaligtasan ng mga komunidad mula sa panganib na hatid ng mga kalamidad at sakuna sa bansa.

Gold Award mula sa MBCRPP
Sa 98 porsyentong rating na ibinigay ng DILG Region 4-A – Manila Bay Clean-up, Rehabilitation, and Preservation Program, ginawaran ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng Gold Award sa 2022 Manila Bay Day Awarding Ceremony na ginanap nitong Disyembre 14, 2022, sa City of Calamba, Laguna. Nakatanggap din ang Pamahalaang Lungsod ng Plaque of Recognition at ng Certificate of Recognition bunsod ng walang humpay na suportang ibinibigay nito para sa pangangalaga ng Manila Bay. Taon-taon, pinangungunahan ng Imus Manila Bay Task Force ang pagsulong sa mga programang makatutulong upang mapalinis at mapaganda pa ang kapaligiran sa Imus, higit sa mga daluyan ng tubig na napupunta sa Manila Bay. Ang naturang task force ay kinabibilangan ng City Environment and Natural Resources Office, City Engineering Office, City Planning and Development Office, Office of the Building Official, City Health Office, at Business Permits and Licensing Office sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Seal of Good Local Governance
Sa pagbabalik ng Seal of Good Local Governance (SGLG) Awards ngayong taon, kabilang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 60 siyudad na ginawaran ng SGLG nitong Disyembre 15, 2022 dahil sa matapat at mahusay na paglilingkod sa mamamayang Imuseño. Iginawad kina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan ang naturang parangal, kung saan nakatanggap din ang lokal na pamahalaan ng SGLG Incentive Fund Subsidy na nagkakahalagang pitong milyong piso. Kinikilala ang isang lokal na pamahalaan bilang SGLG passer kung makapapasa ito sa mga pamantayan ng DILG sa 10 performance areas. Alinsunod ito sa Republic Act No. 11291 taong 2019, o ang “The Seal of Good Local Governance Act of 2019,” na kumikilala sa tuloy-tuloy na dedikasyon ng mga lokal na pamahalaan para mapabuti pa ang serbisyong ibinibigay sa mga nasasakupan tungo sa kaunlaran.

3 parangal mula sa 2022 CMCI Provincial Awarding
Lalo pang pinatunayan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang husay nito sa serbisyong publiko sa pagtanggap ng tatlong parangal sa katatapos na 2022 Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) Provincial Awarding nitong Disyembre 15, 2022. Kinilala ng Department of Trade and Industry (DTI) Region IV-A at ng DILG Region IV-A ang Imus bilang Rank One para sa Resilience Award. Parehong Rank Three naman ang ibinigay rito para sa Infrastructure Award at Economic Dynamism Award. Ang CMCI ay taunang isinasagawa upang kilalanin ang mga lungsod at munisipalidad na pinatunayan ang kanilang progresibong pag-unlad sa limang pangunahing haligi ng pamamahala: economic dynamism, government efficiency, infrastructure, resiliency, at innovation.

Brgy. Pinagbuklod, drug-cleared barangay
Hinirang bilang isang drug-cleared barangay ang Brgy. Pinagbuklod matapos ang isinagawang pagsusuri ng Regional Oversight Committee on Drug Clearing Program nitong Disyembre 28, 2022 na ginanap sa Mayor’s Office ng Imus City Government Center. Ang pagkilalang ito ay nakamit ng Pinagbuklod sa pamumuno ni Punong Barangay Ricardo Ocampo at sa tulong ng City of Imus Anti-Drug Abuse Council na pinangungunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Ilan lamang ito sa mga parangal na iginawad sa Pamahalaang Lungsod ng Imus ngayong taon. Sa mas pinabuti at mas pinatibay na mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan, aangat ang Imus.