IMUS, Cavite — Sa pagsapit ng Kapaskuhan, iba’t ibang programa ang inihandog ng Pamahalaang Lungsod ng Imus upang magbigay-inspirasyon sa mga Imuseño na maging tanglaw ng kanilang kapwa kababayan. Napuno ng liwanag at ningning ang pagsisimula ng Paskong Imuseño sa isinagawang pagpapailaw ng Christmas tree at lights sa Imus City Plaza noong Disyembre 2, 2022 sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula katuwang ang City Tourism and Development Office. Para kay Mayor AA, ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon ay isang pagkakataon upang pasalamatan ang Panginoong Diyos sa pag-asang patuloy Niyang ipinagkakaloob para sa pagbangon ng sambayanan mula sa pandemya. “Pasko na kung saan po ay panahon ng pasasalamat. Pasko na kung saan ay dapat magpasalamat dahil binigyan pa tayo ng magandang bukas, nakaligtas tayo sa nagdaang pandemic, [at] nailusot natin ang mga problema sa nakalipas na dalawang taon. Kaya, dapat tayong magpasalamat na tayo ay narito pa sa mundo,” ani Mayor AA. Isang Pamaskong handog naman ang ibinigay ng lokal na pamahalaan sa mga pamilyang Imuseño sa pamamagitan ng Christmas Box para sa masaganang selebrasyon ng Kapaskuhan. Nagsimula ang pamamahagi nito noong Disyembre 14, 2022, sa mga barangay ng Alapan I-A at Tanzang Luma V. Binigyang-sigla rin ang umaga ng mga dumalo sa Simbang Gabi sa pamamahagi ng libreng puto bumbong, bibingka, at suman sa mga Katolikong simbahan sa Imus, gaya ng Katedral ng Imus, St. James Catholic Church, at St. Martha Church. Kabilang din sa mga inilunsad ngayong Paskong Imuseño ang official Christmas ID ng Imus noong Disyembre 5, 2022 at ang ImuSarap at Saya Bazaar sa Imus Plaza na nagbukas noong Disyembre 9, 2022. Hiling ni Mayor AA ang pagkakaroon ng malasakit at pagtutulungan ng mga Imuseño sa kanilang pagdiriwang ng Pasko at sa pagsalubong ng Bagong Taon. Aniya, “Ipagdiwang po natin ang Pasko nang may pag-ibig at malasakit para sa ating mahal na lungsod. [At] sa pagsalubong natin sa bagong taon at sa darating pang mga taon, huwag sanang mawala ang kinang sa ating mga puso, at nawa’y magsilbi tayong tanglaw sa bawat isa.”