City of Imus

National Children’s Month 2022: Kalusugan, kaisipan, at kapakanan ng bawat bata ating tutukan!



November



IMUS, Cavite — Ngayong buwan ng Nobyembre, ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang National Children’s Month 2022 na may temang “Kalusugan, Kaisipan, at Kapakanan ng Bawat Bata Ating Tutukan!” Ang mga aktibidad ay pinangunahan ng Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC) sa pamumuno ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Kuwentuhan na sa Plaza . . . mga bata tara na!

Sa mas espesyal na paghahandog ng “Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata, Tara Na!” ng Imus City Public Library, nakasama ng 104 na batang Imuseño ang Parañaque City Public Library noong Nobyembre 9.

Isinalaysay ng Kuwentistang Libraryan na si Ms. Melanie Abad-Ramirez ang kuwentong “May Gulong na Bahay” sa panunulat ni Genaro R. Gojo Cruz at iginuhit ni Paul Imbong.

Nagtanghal din dito ang Parañaque City Public Library Puppeteers at ang kanilang mga maskot sa pangunguna ni Chief Librarian Cissettee Ricardo. Kinaaliwan at natutunan ng mga batang Imuseñong nasa edad lima hanggang 12 taong gulang ang mahahalagang aral sa kanilang dala-dalang mga kuwento.

Poster making contest

Kasabay ng ika-32 Library and Information Services Month, isinagawa ng Imus City Public Library ang isang poster making contest noong Nobyembre 10 alinsunod sa temang “Mga Aklatan bilang Kanlungan ng Karunungan: Tagapangalaga ng Kultura at Pamanang Lokal.”

Mula sa siyam na estudyanteng lumahok, hinirang na wagi ang obra ni Rian May Perez ng Imus National High School. Sinundan naman siya ni Catherine Olleres ng Maranatha Christian Academy at ni Rene Vencio ng Gen. Pantaleon Garcia Senior High School.

Ginugunita tuwing buwan ng Nobyembre ang Library and Information Services Month upang malinang sa mamamayan ang kahalagahan ng mga pampublikong aklatan sa edukasyon at pagkatuto ng sambayanan.

Youth leaders’ summit 2022

Sa pagtutulungan ng Imus LCPC at ng Imus Youth Affairs Office (YAO), idinaos ang Ika-apat na Youth Leaders’ Summit nitong Nobyembre 18 sa Function Hall ng Imus City Government Center.

Sang-ayon sa temang “Rebuild Tayo,” napag-usapan dito ang ilang mga paksa ukol sa pagpapatibay ng kasanayan ng mga kabataan ngayong new normal.

Tinalakay ni Mr. Allen Saraza, Social Engagement Lecturer, ang Developing Character of Future Young Leaders at ni Ms. Grace Sil Lagdamat, Past President ng Joint Commission International Wagayway at Adviser ng Supreme Student Governor ng INHS Main, ang Leadership in the New Normal.

Ibinahagi naman ang Reshaping and Rebuilding Efforts for the Youth ni Mr. Reynald Alfred Sy, Department Chairperson of the Teacher Education and Lifelong Learning at Program Coordinator ng NSTP sa Far Eastern University – Cavite.

Sa pagdalo ni Kinatawan Adrian Jay “AJ” Advincula, nagbigay siya ng isang makabuluhang mensahe para sa mga kabataang Imuseño.

Ang Youth Leaders’ Summit ngayong taon ay naging daan upang mas makilala ng Imuseño youth leaders ang isa’t isa.

Kiddielympics: kiddie talent showdown

Pinatunayan ng mga kabataang Imuseño ang kanilang angking talento sa iba’t ibang larangan sa programang Kiddielympics: Kiddie Talent Showdown na ginanap nitong Nobyembre 28 sa Imus Children and Youth Center.

Nakuha ni Reychell Llamas ang kampeonato para sa poem recitation contest at ni Thea Denise Buela para sa coloring contest. Pinahanga rin ni Stanley Ando ang mga hurado sa kaniyang galing sa pag-awit matapos manalo sa singing contest.

Samantala, wagi naman sina Tatay Philip at ang kaniyang mga anak na sina Asiya at Safiya Ramil sa Parent and Child Got Talent Contest.

Ang Kiddielympics ay isa sa mga programa ng Committee on Child Development sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development bilang pakikiisa sa taunang pagdiriwang ng Children’s Month.

Book character costume competition “my favorite book character: dressing up and acting out year 2”

Naggagandahan at makukulay na kasuotan ang iprinisenta ng mga batang Imuseño, tampok ang kanilang mga paboritong karakter sa Book Character Costume Competition “My Favorite Book Character: Dressing Up and Acting Out Year 2” Parade and Awarding nitong Nobyembre 21.

Sa Dressing Up ng patimpalak, nagwagi sina Nathalie Dulatre at Thiara Angela Corpin bilang Kanan at Kaliwa sa category one, si Joeiana Altheaia Canada bilang Merida para sa category two, si Jean Vollerie Boyles na itinampok ang isa sa mga karakter ng Ibong Adarna sa category three, at si Vi-M Villaganas bilang Queen of Hearts para sa category four.

Sa Acting Out naman, napanalunan ni Jiana Felicid Canada bilang Moana ang first place sa category one, ni Joeiana Altheaia Canada bilang Merida sa category two, ni Zayra Aqi Sullano bilang Goldilocks sa category three, at ni Vi-M Villaganas bilang Queen of Hearts sa category four.

Hinirang namang Crowd’s Favorite sina Nathalie S. Dulatre at Thiara Angela Corpin bilang Kanan at Kaliwa, habang nakatanggap ng Special Award para sa Most Number of Participants ang Gen. Emilio Aguinaldo National High School.

Ang nasabing kompetisyon ay pinangunahan ng Imus City Public Library sa pakikipagtulungan sa Imus LCPC at sa Imus YAO.

Local state of the children’s report 2022

Sa kaniyang unang taon bilang ama ng Imus, iniulat ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang Local State of the Children’s Report 2022 sa Imus Sports Complex nitong Nobyembre 29.

Sentro ng talumpati ni Mayor AA ang mga nasimulan ng kaniyang administrasyon, gaya ng karagdagang silid-aralan sa tatlong pampublikong paaralan sa Imus, paglunsad ng Binhing Advincula Scholarship Program at Educational Assistance, masugid na pagbibigay ng libreng check-up sa mga bata, at pagkilala sa mga kabataang Imuseñong nagpamalas ng husay sa larangan ng sports.

Hinangaan din ni Mayor AA si City Librarian Ms. Rosena V. Roman na tumanggap ng First Place Exemplary Children’s Library Service Award mula sa National Library para sa programang “Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata Tara Na!” ng Imus City Public Library noong Oktubre 28.

Nagtapos ang pag-uulat ni Mayor AA sa pagpapalabas ng isang audio-visual presentation na naglalaman ng mga napagtagumpayan ng Imus LCPC sa nakalipas na taon.

Awarding ceremony for the most-child friendly barangay 2022

Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang limang Most Child-Friendly Barangay nitong Nobyembre 29 sa Imus Sports Complex.

Nanguna rito ang Brgy. Maharlika ni Punong Barangay Gina Hynson. Sinundan naman ito ng Brgy. Malagasang I-G ni Punong Barangay Mark Oliver Valerio, Brgy. Bucandala II ni Punong Barangay Jerry Vilbar, Brgy. Alapan I-C ni Punong Barangay Ronaldo Marcial, at Brgy. Anabu II-F ni Punong Barangay Ernesto Villaluz.

Taon-taon, binibigyang-parangal ng Pamahalaang Lungsod ang limang pinakamahuhusay na barangay na nakapagpatupad ng mga programa at proyektong mag-aangat sa mga kabataang Imuseño.

Kabilang din sa mga aktibidad na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ang Kabataan Iwas Droga noong Nobyembre 16, ang Financial Literacy Festival noong Nobyembre 19, at ang IMUSikapansanan Year Four noong Nobyembre 23.

Ipinagdiriwang ang National Children’s Month kada Nobyembre alinsunod sa Republic Act No. 10661 taong 2014. Sa pamamagitan ng taunang paggunita nito, mas nabibigyang-pansin ang kahalagahan at tungkulin ng mga batang Pilipino sa kinabukasan ng lipunan.