City of Imus

Unity walk para sa VAW-free na Imus!



November 28, 2022



IMUS, Cavite — Sa pangunguna ng Gender and Development (GAD) Unit, nakibahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa 18-day Campaign to End Violence Against Women (VAW) na mayroong temang “UNiTEd for a VAW-free Philippines,” sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang unity walk nitong Nobyembre 28, 2022.

Humigit-kumulang 100 indibidwal ang lumahok sa naturang unity walk na pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula kasama ang mga nahalal na opisyal sa Lungsod. Kabilang dito sina City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, mga konsehal Lloyd Jaro, Yen Saquilayan, Darwin Remullla, Totie Ropeta, Sherwin Lares-Comia, Atty. Wency Lara, Enzo Asistio-Ferrer, at Igi Revilla-Ocampo, Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan, at Sangguniang Kabataan Federation President Joshua Guinto.

Ang kampanya ng Pamahalaang Lungsod ng Imus laban sa karahasan ay hindi lamang nakapaloob sa 18 araw. Matatandaan na naghatid ang GAD at ang Local Council of Women na pinangungunahan ni Mrs. Neri Advincula, maybahay ni Mayor AA, ang pagbibigay ng libreng flu vaccine sa humigit-kumulang 600 kababaihan mula sa marginalized sector ng Imus noong Nobyembre 15.

Ayon sa Presidential Proclamation No. 1172 taong 2006, idinadaos sa Pilipinas ang 18-day Campaign to End VAW tuwing Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 upang mapukaw ang pansin ng mga Pilipino ukol sa karahasan na kinakaharap ng mga kababaihan sa araw-araw. Layunin din nito na maisulong at maipatupad ang mga programa at proyektong magbibigay ng karagdagang proteksyon sa bawat kababaihan, anuman ang antas ng pamumuhay.