IMUS, Cavite — Hakot medalya ang mga atletang Imuseño sa mga paligsahan na kanilang nilahukan ngayong buwan ng Nobyembre 2022.
Eastern Asia (ASEAN) Youth Chess Championship 2022
Ipinakita ng magkapatid na Castronuevo ang kanilang galing sa Eight Under Girls Class ng Sixth Eastern Asia (ASEAN) Youth Chess Championship na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre 5. Ito ay matapos hiranging kampeon si Elle Castronuevo sa mga dibisyon na Rapid, Standard, at Blitz ng patimpalak. Nasungkit naman ni Deandra Castronuevo ang gintong medalya sa Rapid at Blitz Divisions.
PNVF Champions League 2022
Hinandugan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ng isang victory party ang Imus AJAA Spikers matapos mag-uwi ng tansong medalya at ang Imus AJAA Lady Spikers nang pumang-apat sa pagtatapos ng Philippine National Volleyball Federation Champions League 2022 noong Nobyembre 6 na idinaos sa PhilSports Arena, Pasig City.
PATAFA Weekly Relay 2022
Ipinamalas ng pitong miyembro ng Imus Athletics Team ang kanilang husay sa finals ng Philippine Athletics Track and Field Association Weekly Relay 2022 nitong Nobyembre 19 at 20 sa PhilSports Arena, Pasig City. Dalawang gintong medalya ang nasungkit ni Jonalyn Halasan sa kaniyang paglahok sa Triple at Long Jump Women Under 18 Division, habang isang gintong medalya ang nakuha ni Prince Philip Canja sa High Jump Men Under 18 Division. Napanalunan din ng koponan ang dalawang pilak na medalya sa 800m Men’s Under 20 ni Mark Joshua Ayala at sa 4x4 Mixed Relay Under 18 nina Francis Vargas, Mary Ann Aberia, Felicity Danao, at Orlando Gomez Jr. Samantala, tansong medalya ang inuwi ni Felicity Danao para sa 800m Women’s Under 18 Division. Sinusuportahan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng City Sports Development Unit, ang determinasyon at natatanging husay ng mga atletang Imuseño!