IMUS, Cavite — Sa pagtutulungan ng City Health Office (CHO) at ng City of Imus Anti-Drug Abuse Council (CIADAC), idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang iba’t ibang aktibidad para sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, bilang pakikiisa sa Drug Abuse Prevention and Control Week mula Nobyembre 13 – 19, 2022, sang-ayon sa temang “AAyaw sa Droga para SAKInabukasang Maganda.” 1st Imus city road cycling event Nag-umpisa ang linggo sa pagsasagawa ng kauna-unahang Imus City Road Cycling Event bilang kick-off ceremony nitong Nobyembre 13 sa Imus City Government Center, kung saan nilahukan ito ng 377 siklista at 25 biker groups. Ang programa ay pinaunlakan din nina City Local Government Operations Officer Ryan Joseph Geronimo ng Department of the Interior and Local Government, Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan, Sangguniang Kabataan Federation President Joshua Yulo Guinto, PLT Sonny Delos Santos ng Imus Philippine National Police, at Punong Barangay Armando Fauni ng Brgy. Malagasang II-G. Nagkaroon din ng pledge of commitment ang mga nakiisa upang mapalawig pa ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot. Nakatanggap naman ng mga papremyo ang 10 siklistang pinakamaagang dumating sa lugar na pinagdausan at 10 siklistang unang natapos ang ruta. Nag-uwi rin ng consolation prizes at malalaking papremyo ang 40 siklista. School symposium Bahagi ng kampanya ang pagbisita ng CHO at CIADAC sa ilang pampublikong paaralan sa Imus mula Nobyembre 14 – 17 para sa isang school symposium upang ibahagi sa mga mag-aaral ang masasamang epektong idinudulot ng ipinagbabawal na gamot sa kalusugan at sa buhay ng isang tao. Culminating activity Sa pagtatapos ng linggo, ginanap ang isang culminating activity, kung saan binalikan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mga hakbang na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod sa pagsulong ng kampanya kontra iligal na droga. Sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation, pinatunayan ng ilang indibidwal na maaaring malampasan ang mga pagsubok na dala ng pagkalulong sa droga. Ang paggamit ng bawal na gamot ay walang mabuting naidudulot sa buhay ng mga gumagamit at sa mga komunidad na kanilang kinabibilangan. Sa kabila nito, naniniwala pa rin ang Pamahalaang Lungsod ng Imus na may kakayahang magbagong buhay ng mga nalulong sa droga, sa tulong ng pamahalaan na handang umalalay at gumabay sa kanila tungo sa panibagong bukas.