IMUS, Cavite — Sa pagtatapos ng unang pangkat ng trainees sa proyektong Career Forward: “An Imuseño’s Journey to Being Ridiculously Good” ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at TaskUs, tinanggap ng 43 Imuseño nitong Nobyembre 15, 2022 ang sertipikasyon na nagpapatunay na sila ay sumailalim sa Business Process Outsourcing (BPO) Training. Pinangunahan nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, Director of Learning Experience Mr. Arnel Castroverde, at Site Vice President of TaskUs Lizzy’s Nook Mr. Cris Monroy ang pagbibigay ng sertipikasyon at pagbati sa mga nagsipagtapos. Matatandaang pumasok sa isang opisyal na kasunduan ang Pamahalaang Lungsod at ang TaskUs noong Oktubre 4, 2022 para makapaghatid ng libreng BPO training sa mga Imuseñong nais maging BPO agents. Nagsagawa ang TaskUs ng pilot run ng training, kung saan nilahukan ito ng humigit-kumulang 150 estudyante ng Imus Vocational and Technical School. Natutunan nila rito ang fundamental skills in outsourcing na kinabibilangan ng language assessment, communication skills training, customer handling, at employee wellness. Para kay Mayor AA, kahanga-hanga ang pagpupursigi at pagtatiyaga ng mga nagsipagtapos. Patunay ito na ang mga Imuseño ay kayang-kayang umangat sa anumang propesyon at trabaho.