TAGUIG CITY — Nilahukan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang ikalawang Convergence of Family Servants ng League of Cities of the Philippines (LCP) na may temang, “Smarter, Stronger, and Sustainable Cities Build Global Connections” mula Nobyembre 10 – 12, 2022. Sentro ng ikalawang pagpupulong ng LCP ang pagpapatibay sa ugnayan ng mga punong lungsod sa pribado at pampublikong sektor mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang mas makasabay ang 146 na lungsod sa bansa. Tinalakay rin dito ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program ng pamahalaan na pinangunahan ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jerry Acuzar. Kasabay rin nito ang ika-73 National Board Meeting ng LCP, kung saan pinag-usapan ng mga punong lungsod ang pag-apruba sa ilang mga polisiyang maaari nilang ipatupad. Ang pagpupulong ay dinaluhan din ni Senador Cynthia Villar upang magsilbing tulay sa mga punong lungsod at sa senado ukol sa pagiging lungsod ng mga kabisera ng mga bayan sa bansa. Ang aktibong partisipasyon ni Mayor AA sa LCP ay mahalaga para sa kaniyang layuning mapaunlad pa ang Imus.