Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at ng Boy Scouts of the Philippines (BSP), ginanap ang pambansang paggunita sa Huling Parangal sa Watawat ng Pilipinas nitong Mayo 30, 2025, sa Dambana ng Pambansang Watawat, Imus Heritage Park, Brgy. Alapan II-B. Isang taunang kaganapan, binibigyang-pugay ng BSP sa huling pagkakataon ang mga sira, kupas, at luma nang pambansang watawat sa pamamagitan ng pagsusunog at paglilibing. Nanguna sa seremonya si BSP Scout Ambassador at actor na si David Licauco, kasama sina BSP Secretary-General Kim Robert De Leon, Acting City Mayor Yen Saquilayan, Armin Arañas bilang kinatawan ng Provincial Tourism ng Cavite, at Ivan Honorpette Mijares bilang kinatawan ng Schools Division Office – Imus City. Bahagi ng program ang BSP Council ng Maynila, Cavite, at Laguna, at ang National Historical Commission of the Philippines. Taunang isinasagawa ang Huling Parangal sa Watawat ng Pilipinas bilang bahagi ng mga pagdiriwang ng mga Araw ng Watawat.