Kasama ang iba’t ibang sektor at ahensya, ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang Ika-127 Anibersaryo ng Labanan sa Alapan at ang National Flag Day 2025 nitong Mayo 28, 2025, sa Dambana ng Pambansang Watawat, Imus Heritage Park, Brgy. Alapan II-B. Nanguna sa pagtataas ng watawat ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sinundan ng Panunumpa sa Watawat sa pangunguna ni Acting City Tourism Officer Dr. Emanuel Paredes. Binigyang-pugay naman ang kabayanihan ng mga Himagsikang Pilipino at ang unang pagwagayway ng pambansang watawat sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Inang Laya – ang simbolo ng kalayaan na bunga ng katapangan at pagmamahal sa bayan. Pinangunahan ang pag-aalay ni National Youth Commission Chairman Joseph Francisco Ortega na nagbigay rin ng inspirasyonal na mensahe, Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula na nagbigay-pagbati sa mga dumalo, NHCP Chairman Regalado Trota Jose Jr., Office of the Provincial Tourism Officer Head Elinia Imelda Rozelle Sanggalang bilang kinatawan ni Gov. Athena Tolentino, at Acting Imus City Mayor Yen Saquilayan bilang representante ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula. Isang panalangin din ang inialay ni Rev. Fr. Randy De Jesus ng Mary Help of Christians Parish, Lungsod ng Gen. Trias. Samantala, ibinahagi nina Claire Toledo at ng ESS-South Angklung Ensemble ang kanilang talento bago matapos ang programa. Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang Philippine Veterans Affairs Office, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at iba’t ibang youth groups sa Imus. Ginugunita ang Labanan sa Alapan at ang Pambansang Araw ng Watawat tuwing Mayo 28 bilang pag-alaala sa kagitingan ng Rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Kastila at sa kauna-unahang pagwagayway ng Pambansang Watawat noong Mayo 1898. Ang pagdiriwang din na ito ay hudyat ng pagsisimula ng National Flag Days at ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12, alinsunod sa Kautusang Ehekutibo Blg. 179, taong 1994.