City of Imus

Kabayanihan ni Telesforo Trinidad binigyang-pugay sa US Memorial Day 2025



May 26



Bilang pakikiisa sa United States (US) Memorial Day nitong Mayo 26, 2025, nagbigay ng papugay ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pakikipagtulungan sa United States Retired Activities Office (USRAO) – Cavite, sa kabayanihan ng isang Imuseño at Medal of Honor Recipient na si Fireman Second Class Telesforo dela Cruz Trinidad ng US Navy sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang puntod na matatagpuan sa Imus Public Cemetery, Tahimik St., Brgy. Toclong I-A.

Binigyang-pagbati ang mga panauhin nina Konsehal Yen Saquilayan, USRAO Cavite Officer-in-Charge Edgardo Onas, at ang inapo ni Fireman Second Class Telesforo na si Manuel Trinidad sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe.

Kabilang din sa mga nakiisa sina Deputy Administrator for Operations Assistant Domingo Carbonell Jr. ng Philippine Veterans Affairs Office; Immediate Past Commander Alex Fores ng Department of Pacific Areas, Veterans of Foreign Wars of the US, Baguio Post 124; Post Commander Golda Russell ng Veterans of Foreign Wars of the US, Manila Post 12231; Retired United States Armed Forces Master Sergeant Danilo De Guzman Jr.; at Chaplain Margarito Israel ng USRAO Cavite.

Bahagi rin sa paggunita sina Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Darwin Remulla, Sangguniang Panlungsod SAO Paeng Alarcon, Acting City Tourism Officer Emanuel Paredes, Toclong I-A Punong Barangay Tobeng Sañez at kanyang konseho, mga miyembro ng USRAO Cavite, mga miyembro ng Imus Historical Society, at mga inapo ni US Medal of Honor Recipient Telesforo Trinidad.

Si Telesforo Trinidad ang tanging Pilipino sa US Navy na nakatanggap ng prestihiyosong pagkilala buhat ng kanyang katapangan noong Enero 21, 1915, kung saan sinagip niya ang buhay ng kanyang mga kapwa marino matapos sumabog ang kuluan sa USS San Diego.

Ang kabayanihan ni Medal of Honor Recipient, Fireman Second Class Telesforo dela Cruz Trinidad ay habang-buhay bibigyang-pugay at gugunitahin ng mga Imuseño.