City of Imus

Alagang Advincula: Agarang tulong sa mga sinalanta ng Bagyong Paeng



October 30, 2022



IMUS, Cavite — Ipinadama ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na mayroong maaasahang gobyerno ang mga Imuseño nang manalasa ang Bagyong Paeng bago matapos ang buwan ng Oktubre.

Sa tala, ligtas na nailikas ang 798 pamilya na binubuo ng 3,664 na katao.

Pinangunahan din nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula ang agarang paghahatid ng relief goods sa 5,366 na apektadong pamilya.

Kabilang din sa mga nag-abot ng tulong sina Vice President Sara Duterte, Senador Bong Revilla at ang Revilla Family, Governor Jonvic Remulla, Speaker Martin Romualdez, at President of Rotary Club of Malate Mr. Roland Lim.

Noong Oktubre 30, binisita ni Cong. AJ ang mga pamilyang pansamantalang nanuluyan sa Cayetano Topacio Elementary School at Tinabunan Elementary School. Nagtungo rin si Mayor AA sa mga naturang paaralan na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga lumikas noong Oktubre 31.

Upang matiyak ang kalusugan ng mga residente, inilapit ng City Health Office ang libreng konsultasyon sa mga lumikas, at binigyang-lunas ang mga rescuer at mga health worker na rumesponde noong kasagsagan ng bagyo.

Nagsagawa naman ang Engineering Action Team ng clearing operations, paghuhukay sa mga drainage, pagsasaayos sa mga daan, at pag-alis sa mga iniwang pinsala ng Bagyong Paeng para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

Anumang bagyo ang dumating sa lungsod, handa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus na tumulong at maglingkod para sa bayan.