Makulay, malikhain, maaliwalas — ganito mailalarawan ang pag-angat ng mga saranggola sa dalisay na himpapawid ng Imus sa ikalawang paglipad ng Pupugayo Festival noong Abril 5, 2025, na ginanap sa Vermosa. Muling nag-alab ang malusog na kumpetisyon sa pagpapamalas ng talento ng mga Imuseño sa paglikha at pagpapalipad ng mga saranggola. Anim na Imuseño ang pinatunayan ang kanilang natatanging husay sa Flat Kite o Guryon Traditional Kite at 3D Figure Kite o 3D Geometric-shaped Kite. Sa Guryon Traditional Kite Category, hinirang na first place si Jaenlyn Monzon na pinarangalan din ang saranggola bilang pinakamaliit. Sinundan ito ni Jean Monzon na kinilala rin ang saranggola bilang pinakakakaiba. Napunta ang third place kay Robelyn Makilala. Wagi naman si Leo Lavado, Jr. na makuha ang unang puwesto sa 3D Figure Kite, si Reybong Rodriguez ang ikalawang puwesto at ang espesyal na pagkilala bilang pinakamalaking saranggola, at si Jezze Badar ang ikatlong puwesto. Samantala, pinarangalan si Christian Beroin na nakagawa ng pinakamakulay na saranggola. Naging bahagi rin ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Inter-Department Category ng kumpetisyon, kung saan nanalo si Nelson Vasquez ng Office of the General Services Officer sa Flat Kite Category, habang nagwagi si Arthur Candelaria ng Office of the City Tourism and Heritage Officer sa 3D Figure Kite. Sa ikalawang taon ng Pupugayo Festival, patuloy ang pag-angat ng Imus.