Bilang pakikiisa sa Rabies Awareness Month, nagsagawa ang Office of the City Veterinarian ng malawakang pagbabakuna nitong Marso 26, 2025, na ginanap sa Montefaro West Covered Court, Brgy. Alapan I-B. Bukod sa pagbabakuna sa 498 aso at pusa, na-deworm din ang 196 at nalagyan ng microchip ang 116 na alagang hayop. Ang sakit na rabis ay maaaring humantong sa pagkamatay kung hindi maaagapan. Naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng kagat, kalmot, o pagdapo ng laway ng aso o pusa sa sugat ng tao. Bagama’t nakamamatay ito, maaari itong maiwasan kung mabibigyan ng taunang bakuna kontra rabis ang mga aso at pusa, at magpapatingin agad sa doktor sakaling makagat, makalmot, o malagyan ng laway ang parte ng katawan na may sugat. Idineklara ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 84 taong 1999 ang buwan ng Marso bilang Rabies Awareness Month upang maitaas ang kamalayan sa sakit na rabis at kung paano ito maiiwasan.