Pinangunahan ng Office of the City Environment and Natural Resources Officer (OCENRO) at Maynilad ang paglilinis sa mga daluyan ng tubig sa Imus sa pagdiriwang ng World Water Day noong Marso 22, at sinundan ng tatlong araw na talakayan tungo sa malinis na tubig noong Marso 25–28, 2025. Nanguna sa masigasig na paglilinis ng Ilog Julian sa Brgy. Bayan Luma noong Marso 22 ang River Rangers na walang-sawa ring naglilinis araw-araw ng mga ka-ilugan sa Imus. Bahagi rin dito ang Office of the City Disaster Risk Reduction and Management Officer at ang Sangguniang Barangay ng Bayan Luma 9. Kasama naman ang iba’t ibang sektor, ipinaliwanag sa 377 katao noong Marso 25–28 ang kahalagahan ng paglilinis at pagpapanatili ng kalinisan sa mga daluyan ng tubig, higit ang mga ilog, sa ilalim ng programang Bigkis-Tubig at Daloy Dunong. Sentro ng usapin ang solid waste management, ang ugnayan ng tubig, kalusugan, at kalinisan, gayundin ang Expanded Enhanced Lifeline Program ng Maynilad. Bahagi rin dito ang informal settler families, partner adopters na San Miguel Yamamura Packaging Corp. at JM Purification Trading, Medical Center Imus, Office of the City Health Officer, at Local Housing Office. Layon ng World Water Day na mabigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa freshwater o tubig-tabang, na isa sa mga pinakaimportanteng pangangailangan ng mga tao. Patuloy ang pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa iba't ibang ahensya ng gobyerno at organisasyon para sa kalinisan ng mga ilog. #