City of Imus

COOP Month 2022: Pakikiisa ng Imus para sa makabuluhan at sama-samang pag-unlad



october 26, 022



IMUS, Cavite — Sa temang “KooPinas: Nagkakaisang Lakas para sa Makabuluhan at Sama-samang Pag-unlad,” nakibahagi ang City of Imus Cooperative, Livelihood, and Entrepreneurial Development Office (CICLEDO) sa taunang pagdiriwang ng Cooperative Month tuwing buwan ng Oktubre.

Kaakibat ang iMust Cooperative Federation at City of Imus Cooperative Development Council, sinimulan ng CICLEDO ang Coop Month sa pagdaraos ng isang cooperative forum. Tinalakay noong Oktubre 1 ang Embracing Digitization the Cooperative Way sa 108 miyembro na ginanap sa Cooperative and Livelihood Training Center (CLTC).

Inilapit naman sa 40 persons deprived of liberty (PDL) na namamalagi sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Imus – Female Dormitory ang Livelihood Skills Training Program noong Oktubre 7. Ibinahagi rito ni Ms. Nenita Bersonda ang kaniyang kaalaman sa perfume making at ni Mr. Rani Saulong ang tungkol naman sa bonsai gardening.

Tampok din sa pagdiriwang ang Eskwela Kooperatiba (EK) 2022 Engagement Forum na ginanap sa CLTC noong Oktubre 21. Sa nasabing forum, pinag-usapan ng mga opisyal at kaguruan ang membership status ng mga kooperatiba na bahagi ng EK, at ang kanilang mga susunod na hakbang para sa muling pagpapasigla nito. Nagbigay suporta rin sina Committee Chair on Cooperatives Konsehal Jelyn Maliksi, Mr. Arturo Pangilinan ng City Mayor’s Office, at City Cooperative Officer Dr. Emmanuel Santiaguel sa pamamagitan ng mga mensaheng kanilang ibinahagi.

Bilang pagtatapos ng Coop Month, ginanap ang Cooperative Awards and Recognition Night noong Oktubre 26 sa Imus Sports Complex, kung saan iginawad ng CICLEDO ang 19 na parangal sa mga kooperatiba at 14 na cooperative leaders na nagpamalas ng kanilang galing.

Nakaalalay naman ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, sa mga programa at aktibidad ng mga kooperatiba para sa kapakanan ng mga Imuseño.