Binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang mga naging kontribusyon ni dating punong lungsod Jose Virata Jamir sa paghahawi ng tabing ng kanyang marker at pagpapasinaya sa Jose Virata Jamir Street nitong Marso 18, 2025, kasabay ng ika-101 anibersaryo ng kanyang kapanganakan. Pinangunahan nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan ang seremonya, kasama si Rev. Fr. Paul Jamir Marquez. Bahagi rin ng pagdiriwang sina Vice Governor Shernan Jaro, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Larry Nato, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal Totie Ropeta, Konsehal Darwin Remulla, Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan, dating konsehal Tito Monzon, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr. Si dating alkalde Jose V. Jamir ay nanungkulan sa bayan ng Imus bilang numero unong konsehal noong 1960 at kinalaunan ay naglingkod bilang alkalde ng 19 na taon mula 1967 hanggang 1986. Sa kanyang panunungkulan, naging primera klaseng munisipalidad ang Imus, pinagtibay rin niya ang Municipal Development Plan, pinasemento ang mga pangunahing daan, at inilipat ang pampublikong palengke sa mas malaki at mas malapit na lugar sa pangunahing kalsada ng Cavite. Tubong Medicion Segundo, ipinanganak ang dating alkalde noong Marso 18, 1949, sa mag-asawang Patricia Sabale Virata at Pablo Jamir. Siya ay nagtapos ng Batsilyer sa Agham ng Komersiyo Medyor sa Pagtutuos sa Far Eastern University. Namayapa si dating punong lungsod Jose Virata Jamir noong Pebrero 19, 2002. #