City of Imus

Buntis Summit: AAlagaan si Mommy para sa Kinabukasan ni Baby



March 17



Pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis ang sentro ng ginanap na Buntis Summit nitong Marso 17, 2025, sa City of Imus Sports Complex.

Nagtipon-tipon ang 152 buntis na natutunan ang mahahalagang kaalaman kaugnay ng wastong pangangalaga sa kanilang pagbubuntis.

Ibinahagi ni Dr. Marydel Agarin, FPOGS ang kanyang malalim na kaalaman sa female reproductive system, ni Dr. Jennifer A. Roamar, FPPS ang mainam na pangangalaga sa mga sanggol, at ni Nutritionist Dietician Andrilita Santiago ang kahalagahan ng pagkain ng masusustansyang pagkain ng mga nanay para sa malusog na pangangatawan ng kanilang sanggol sa sinapupunan.

Nakatanggap din ang mga lumahok ng libreng konsultasyon, bakuna kontra tetanus-diphtheria, buntis kit, gamot, gatas, at taho mula kay Konsehal Enzo Asistio, habang nakapagparehistro din ang mga hindi pa miyembro sa PhilHealth.

Ang bawat buntis kit ay naglalaman ng cotton balls, wet wipes, kasuotan ng mga bagong silang, at bitamina para sa mga buntis at kanilang sanggol.

Personal naman silang kinumusta nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer T. Saquilayan, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Darwin Remulla, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr.

Ang Buntis Summit 2025 ay bahagi ng mga pagdiriwang ngayong National Women’s Month, batay sa Proklamasyon Blg. 227, taong 1988. #