Sa unang pagkakataon, naiuwi ng Bahayang Pag-asa ang kampeonato sa pagtatapos ng Ikatlong Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament noong Marso 6–7, 2025, sa City of Imus Sports Complex. Hindi natinag ang tibay ng Bahayang Pag-asa sa dalawang beses na pakikipagharap sa Palico. Nakakuha ang koponan ng puntos na 76 kontra 73 sa game 1 at 77 kontra 66 sa game 2. Nagtagisan naman ang Buhay na Tubig at Malagasang 1st para sa ikatlong puwesto, kung saan wagi ang Buhay na Tubig sa puntos na 98–81. Kahanga-hanga ang galing na ipinamalas ni Mac Balowa ng Bahayang Pag-asa na itinanghal bilang Season’s Most Valuable Player at isa sa mga itinanghal na Mythical 5. Kabilang din dito si Jacon Galicia ng Bahayang Pag-asa, Romel Coronejo ng Palico, King Gurtiza ng Buhay na Tubig, at Junjie Hallare ng Malagasang Uno. Kinilala naman si Earl Jan Rodriguez ng Alapan Uno bilang best Defensive Player, habang Best Coaches ang mga coach ng Bahayang Pag-asa at Palico. Iginawad sa Bahayang Pag-asa ang papremyo na P200,000, sa Palico ang P150,000 sa Buhay na Tubig ang P100,000, at sa Malagasang Uno ang P50,000. Ang bawat koponan ay pinarangalan din ng tropeo. Ang mga koponang hindi naman pinalad ay nakatanggap ng consolation prize na P20,000. Personal na nagbigay-pagbati sa mga koponan sina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Vice Governor Shernan Jaro, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Yen Saquilayan, at Konsehal Enzo Asistio. Ang Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament ay idinaraos kada taon sa layong mahikayat ang mga kabataang Imuseño na ituon ang oras sa mga pisikal na laro tulad ng basketbol, sa halip na malulong sa mga bisyong hindi makatutulong sa kanilang mga buhay.