Opisyal na sinalubong ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Buwan ng mga Kababaihan sa lingguhang pagtataas ng watawat ng Pilipinas noong Marso 3, 2025. Inirepresenta ni Konsehal Yen Saquilayan ang boses at hindi natitinag na lakas ng mga kababaihan bilang isang lingkod-bayan, anak, ina, at tagapangulo ng Komite sa mga Serbisyong Panlipunan, Pamilya, Kababaihan, Bata, at Matatanda. Isinaad niya na hindi lamang sa tahanan makikita ang kahalagahan ng mga kababaihan kundi maging sa iba’t ibang larangan sa lipunan. Gaya na lamang ng kanyang patuloy na pagsusumikap na makapagbigay ng makatarungang serbisyo sa mga Imuseño. Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga ordinansang kanyang pinangunahan tulad na lamang ng ordinansang nagtatatag ng Anti-Sexual Harassment Desk sa Imus upang makapagbigay ng mabilis at epektibong aksyon sa mga insidente ng anumang uri ng karahasan sa mga kababaihan at maging sa mga bata. Naging instrumental din siya sa pagbubuo ng isang monitoring board para mas maprotektahan ang mga lolo at lola sa lungsod. Hinimok din ni Konsehal Yen ang mga kababaihan na ipagmalaki ang kanilang mga sarili at magsilbing inspirasyon sa kanilang mga kapwa babae. Nagpahayag din ng suporta ang mga serbisyo publiko sa pamamagitan ng pagsusuot ng damit na kulay lila na sumisimbolo sa pagsusulong sa karapatang-pantao ng mga kababaihan. Bukod pa rito, iba’t ibang aktibidad at programa ang idinaos ng lokal na pamahalaan para mabigyang-kapangyarihan ang mga kababaihan sa pangunguna ng Gender and Development (GAD) Unit. 300 kababaihan mula sa iba’t ibang sektor, lumahok sa wellness caravan para sa mas angat na kinabukasan Ipinagdiwang ng humigit-kumulang 300 kababaihan mula sa iba-ibang sektor sa Imus ang International Women’s Day noong Marso 8 na ginanap sa New Imus City Government Center. Nagsimula ang kanilang araw sa paglahok sa Zumba physical fitness na pinangunahan ni Narciso Arabaca. Sinundan naman ito ng serye ng mga talakayan ukol sa breast cancer sa pangunguna ni Dr. Benzon Mangubat at gynecological health issues o mga sakit na babae lamang ang nakararanas sa pangunguna ni Dr. Mary Del Agarin – Bathan. Isang spiritual at mental wellbeing talk naman ang isinagawa ni Prof. Leah Tolentino. Sa pamamagitan ng wellness caravan na pinangasiwaan ng GAD Unit, hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na pangalagaan pa ng mga kababaihan, higit ng mga ina, ang kanilang mga sarili lalo na ang kanilang kalusugan. Tema ng International Women’s Day 2025 ang “For ALL Women and Girls: Rights. Equality. Empowerment.” 250 kababaihang Imuseño, dumalo sa Women’s Summit Nagtipon-tipon ang humigit-kumulang 250 kababaihang Imuseño mula sa iba’t ibang sektor para sa pagdaraos ng Women’s Summit noong Marso 11 sa Function Hall, New Imus City Government Center. Inimbitahan ng GAD Unit ang mga kababaihang eksperto sa iba’t ibang larangan. Ibinahagi ni Prof. Arlene Estrada ang kanyang kaalaman sa epektibong pamumuno, ni Maria Angela Diopol kung paano mapangangalagaan ang mental health at wellbeing, ni Prof. Thea Maries Perez ang mga oportunidad na maaaring magbukas sa pagnenegosyo, ni Raecel Estebat ang gender equality sa trabaho, at ni Prof. King David Agreda kung paano mapuprotektahan ng mga kababaihan ang kanilang sarili mula sa pang-aabuso at karahasan. Kinumusta rin sila nina Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Jelyn Maliksi, at dating konsehal Tito Monzon. Bahagi rin dito ang mga kababaihang department at unit head ng Pamahalaang Lungsod ng Imus. Layon ng Women’s Summit na mas mabigyang-lakas ang mga kababaihan sa pamamagitan ng mga kaalaman at kuwento ng katatagan. VAWCDOA Officers, mas lumalim ang kaalaman sa mga batas na pumoprotekta sa mga kababaihan Upang malinang pa ang kaalaman ng humigit-kumulang 100 opisyal ng Violence Against Women and their Children Desk Officers Association (VAWCDOA), idinaos ang libreng legal aid clinic noong Marso 11 sa New Imus City Government Center. Tinalakay ni Atty. Rhina May Sayarot – Elicano ang Batas Republika Blg. 8353 o Anti-Rape Law of 1997 at Batas Republika Blg. 9262 o Anti-VAWC Act of 2004. Ipinaliwanag naman ni Atty. Marinela Lumagui – Sayoto ang Batas Republika Blg. 7877 o Anti-Sexual Harassment Act of 1997 at Batas Republika Blg. 11313 o Safe Spaces Act. Kaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa laban kontra pang-aabuso at panghaharas sa mga kababaihan at bata. Harmonized Gender and Development Guidelines, tinalakay Nagtipon-tipon ang humigit-kumulang 40 GAD focal at alternate focal noong Marso 12 sa Wellness Center, New Imus City Government Center. Muling nakasama ang panauhing tagapagsalita na si Prof. King David Agreda na ipinaliwanag ang wastong paggamit sa Harmonized Gender and Development Guidelines. Layon ng nasabing pagsasanay na matukoy ang mga proyekto at programang makatutulong sa pagkamit ng pagkakapantay-pantay ng kasarian. Cine Juana: Handog sa mga kababaihang kawani ng Imus LGU Mahigit 90 kababaihang empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang pinanuod ang pelikulang “When the World Met Miss Probinsyana” noong Marso 13 sa Function Hall, New Imus City Government Center. Isang munting handog ng GAD Unit sa pamamagitan ng programang Cine Juana Film Showing, sa pakikipatulungan sa Global Impact Productions. Inilalarawan ng nasabing pelikula na hindi nakasasalaly ang pagkamit ng tagumpay sa iisang kasarian at estado sa buhay. Layon nitong maitaas ang katatagan at kapangyarihan ng mga kababaihan. Iba-ibang kasanayan, itinuro sa mga kababaihang solo parent Panibagong kasanayang makatutulong sa paghahanapbuhay ang natutunan ng 32 kababaihang solo parents sa idinaos na Livelihood Skills Training for Women ng Office of the City Cooperatives Development Officer (OCCDO) at GAD Unit noong Marso 14 sa Wellness Center, New Imus City Government Center. Ibinahagi ni Ailene Daco ang paggawa ng leather keychains, ni Charissa Geronimo ang beaded accessories, nina Leilani Nuestro at Madel Lim ang paggawa ng donut, at ni Nahumi Makiling ang paggawa ng pabango at air freshener. Digital Literacy Training dinala ng Imus LGU sa Imus City Jail Female Dorm Inilapit ng City of Imus Public Library (CIPL) ang programang Digital Literacy Training sa Imus City Jail Female Dormitory nitong Marso 18. Katuwang si Diwani Durano ng Provincial Information and Communications Technology Office at ang Bureau of Jail Management and Penology Imus, natutunan ng 20 kababaihang inmate kung paano gamitin ang Microsoft Word, Excel, at PowerPoint. Produkto ng mga kababaihang negosyante, tampok sa Trade Fair ng Imus LGU Iba’t ibang mga produktong Imuseño ang nabili sa Trade Fair ng Office of the OCCDO kaagapay ang GAD Unit, na idinaos noong Marso 24–27 sa Activity Area, Robinson’s Imus. Bukod sa trade fair, nakapagpakonsulta ang mga negosyante sa mga kinatawan ng Department of Trade and Industry. Nanguna sa pagbubukas ng trade fair si City Cooperatives Development Officer Bong Ramos Jr. at Office of the City Administrator Officer-in-Charge Larry Monzon, bilang representante ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula. Bahagi ang ‘WOMENtreneurship through Guidance: Coaching and Mentoring Dynamics (with trade fair and exhibit)’ sa mga inihandang aktibidad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa pagdiriwang ng National Women’s Month. 36 na kababaihang Imuseño, dumalo sa SNAP Hydroponics seminar Bilang bahagi ng mga aktibidad ngayong National Women’s Month, inilapit ng Office of the City Agriculturist ang SNAP Hydroponics seminar sa 36 na mga kababaihang residente ng Brgy. Medicion II-F nitong Marso 26. Itinuro ni Agriculturist II Desierin Alcantara kung paano magtanim ng mga binhing gulay sa pamamagitan ng Simple Nutrient Addition Program (SNAP) Hydroponics, kung saan hindi na kailangan ng lupa para magtanim. Layunin nitong maituro sa mga kababaihan ang alternatibo, simple, at makabagong pamamaraan ng pagtatanim na makatutulong sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ipinagdiriwang ang Buwan ng mga Kababaihan tuwing Marso, batay sa Proklamasyon Blg. 224, taong 1988. Tema nito ngayong taon ang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat Ang Bukas sa Bagong Pilipinas.” Kaisa ng bawat kababaihan ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pagtataguyod ng isang lipunang may pantay na karapatan para sa lahat ng kasarian.