Sa ikatlong taon, umani ng pagmamahal ang sining sa Imus sa idinaos na “AAni ng Pagmamahal: Love Art Fair” ng Pamahalaang Lungsod ng Imus mula Pebrero 6 – 28, 2025, sa Imus City Plaza. Humanga at nagalak si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa makukulay at naggagandahang sining sa kanyang pagdalo sa opisyal na pagbubukas ng naturang art fair noong Pebrero 7. Lumahok din ang alkalde sa paglikha ng mural painting na pinamagatang ‘Diwa at Damdamin: The Imus Art Collove.’ Sentro ng art fair ngayong taon ang malinang pa ang malikhaing talento ng mga bata sa pamamagitan ng pagpinta sa ‘Muraliit: Para sa mga batang pintor.’ Tampok din dito ang iba’t ibang workshop para sa lahat. Kinabibilangan ang mga ito ng Pottery Workshop at Demo mula kay Kimberlyn Sy, Painting on Textile Workshop ni Kenjay Reyes, Still Life Drawing Workshop mula kay Dereck Opena at John Mcray Haplasca, Basic Acrylic Drawing Workshop ni Rosauro Abihay, at Paint and Patterned Paper Workshop mula kay Van Ellis Mercado. Itinampok naman ang mga sining ng mga lumahok sa Magkasintahart Exhibit. Hatid din ng Love Art Fair ang ‘Itanong sa Barahart: Tarot Reading,’ ‘Haplos ng Pagmamahart’ tampok ang wellness massage ng City College of Imus at ang libreng HIV testing ng Office of the City Health Officer, at ang Sinesinta Kita Film Showing, kung saan natunghayan ang pelikulang LSS (Last Song Syndrome) ni Jade Castro. Nagpamalas naman ng kanilang talento sa pagtatanghal ang mga Imuseño sa Open Mic, ang 2024 Tanghalan ng Kampeon: Ating Awit, Angat sa Tinig Winners na sina Jericho Dela Cruz at Krezia Toñaco, ang Commonwealth Band No. 1 sa kanilang Instrument Petting Zoo, at mga special performance mula sa Tutu Dance Studio at Stagedreams Performing and Cultural Arts Society, Inc. Iba’t ibang sining naman ang nabili sa ‘BazaART: The Artist and Artisan Market’ at mga pagkaing gawang Imuseño sa ‘Pika-PikART’ food bazaar. Sa pagtatapos ng Love Art Fair, kinilala ang mga Imuseñong naglaan ng kanilang oras upang maiangat pa ang sining sa Imus. Ang Imus Love Art Fair ay idinaroas tuwing Pebrero sa pangunguna ng Office of the City Tourism and Heritage Officer bilang pagdiriwang sa Buwan ng mga Sining, batay sa Proklamasyon Blg. 683, taong 1991.