City of Imus

102 Imuseñong lolo’t lolang benepisyaryo ng Expanded Centenarians Act, natanggap na ang kanilang cash gift



February 26



Kaagapay ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, matagumpay na ipinagkaloob ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang P10,000 halaga ng cash gift sa 102 Imuseñong senior citizens na 80, 85, 90, at 95 taong gulang nitong Pebrero 26, 2025, sa Function Hall, New Imus City Government Center, kasabay ng nationwide inaugural cash gift distribution sa ilalim ng Expanded Centenarians Act of 2024.

Nanguna sa paghahandog sina Cavite Vice Governor Shernan Jaro, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, at Executive Assistant IV Keanne Clarisse Cruz ng NCSC Clustered Region III.

Nakasama rin sina Konsehal Atty. Wency Lara, City Administrator Larry Monzon, OSCA Officer-in-Charge Arturo Pangilinan, at dating konsehal Tito Monzon.

Inilapit din sa mga lolo at lola ang libreng medikal na konsultasyon, mga gamot at bitamina, at libreng gupit sa buhok, masahe, manicure, at pedicure mula sa Technical Education and Skills Development Authority. Nagkaroon din ng oryentasyon ukol sa mga benepisyo ng Konsulta Package ng PhilHealth.

Ganap na naisabatas ang Batas Republika Blg. 11982, o ang “Expanded Centenarians Act of 2024,” noong Pebrero 26, 2024, na bunga ng inaasahang pagdami ng mga Pilipinong tutungtong sa edad 60 taon mula 2025–2030.