City of Imus

Planong malawakang BPO training ng TaskUs sa Imus, sinimulan na



October 24, 2022



IMUS, Cavite — Pormal nang inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at ng TaskUs ang kanilang pagtutulungan para mabigyan ng oportunidad ang mga Imuseñong nagnanais maging Business Process Outsourcing (BPO) agents, sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement signing sa tanggapan ng TaskUs sa Lizzy’s Nook, Lumina Point Mall nitong Oktubre 4, 2022.

Pinangunahan nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, City Administrator Jeffrey Purisima, TaskUs Vice President of Operations at Lizzy’s Nook Site Lead Cris Monroy, at TaskUs Division Vice President of Operations Arjay Angodung ang paglagda sa kasunduan para sa proyektong pinangalanang “Career Forward: An Imuseño’s Journey to Being Ridiculously Good.”

Nasundan naman agad ito ng isang assessment na ginanap noong Oktubre 10 sa Old City Hall na nakatakda ring pagdausan ng TaskUs trainings para sa mga interesadong maging BPO agents.

Ang samahan ng dalawang organisasyon ay mas pinatibay sa pakikipagpulong ni Mayor AA sa pamunuan ng TaskUs noong Oktubre 24.

Sa kasalukuyan, inumpisahan na ang pilot run ng nasabing training na kinabibilangan ng 150 estudyante ng Imus Vocational and Technical School.

Sa pamamagitan nito, matututunan ng mga kwalipikadong trainee ang language assessment, communication skills training, customer handling, at employee wellness. Makatatanggap din ng allowance ang bawat kalahok habang sila ay sumasailalim sa training.

Naniniwala si Mayor AA na ang tagumpay ng proyektong ito ang isa sa mga daan upang mas matugunan ang pangkabuhayang pangangailangan ng mga Imuseño.